Sinisi pa ng bf nang mabuntis

Dear Vanezza,

Problema ko ngayon ang boyfriend ko. I’m 40 years old at siya ay 25. Malaki ang agwat ng edad namin. Pero nang ligawan niya ako, nakita kong pursigido siya at hindi iniintindi kahit malaki ang tanda ko sa kanya. Pero nitong mga nakalipas na mga araw ay may nababalitaan ako na may iba siyang dini-date. Nang tanungin ko ay ayaw siyang umamin. Huwag daw akong makikinig sa tsismis. Ang problema ay buntis ako at siya ang ama. Nang sabihin ko ito sa kanya, sinisi pa niya ako. Bakit hindi raw ako nag-take ng pills na dati kong ginagawa. Dumadalang na rin ang pagdalaw niya sa akin ngayon. Ano ang gagawin ko? - Lei

Dear Lei,

Sa edad mo ngayon ay dapat utak na ang umiiral sa iyo at hindi puso. May sapat ka ng isip at rason para magdesisyon sa mga bagay. Kung tutuusin, hindi naman problema kahit matanda pa ang babae sa lalaki. Ang dapat tinitingnan ay ang pagiging responsable at totoo ng isang lalaki. Baka tulad lang siya ng iba na ang hangad sa babae ay makuha lang ang pagkababae o kaya’y gawing sugar mommy. Sikapin mo pa rin siyang makausap nang maayos at baka naman panagutan niya ang iyong dinadala. Kung ayawan ka niya, wala kang magagawa. Pinasok mo ang problema, harapin mo ang consequence o bunga ng iyong pagkakamali.

Show comments