Vice, inagapan ang mental health condition
Sumasailim ngayon sa therapy sessions ang Unkabogable Star Vice Ganda upang bantayan ang mental health condition niya.
Ito ang inamin ni Vice sa ginanap na media conference ng Metro Manila Film Festival entry niyang And The Breadwinner Is....
Sinabi nitong malaking tulong ito upang malampasan niya ang mga pagsubok sa buhay.
Isang breadwinner si Vice kaya’t napag-usapan ang hirap at sakripisyo na kailangang harapin ng mga breadwinner sa tunay na buhay.
At dito nga niya inamin ang pagkakaroon din ng mental health issues.
Ang paniwala niya, lahat ng breadwinner ay may hugot sa buhay partikular na ang mga taong pasan-pasan ang buong pamilya. “‘Di ako ready du’n (naging emosyonal). Siyempre, imposibleng hindi ka magkaroon ng mental health issues as a breadwinner. ‘Yung pagpasan ng napakaraming problema nang mag-isa imposibleng hindi ka magkaroon ng mental health issues,” simulang pagbabahagi ni Vice.
“‘Yung pakiramdam na nag-iisa, ‘yun ang pinakamahirap. Hindi naman mawawala ang pagsubok sa buhay araw-araw, pero marami tayong pagsubok na nalalampasan natin na madali kasi marami tayong katuwang.
“Pero kapag nag-iisa ka at alam mong wala kang maaasahan, ang sakit nu’n sa ulo. Ang hirap nu’n matulog, ang hirap nu’n mag-isip,” lahad pa ni Vice.
“Lalung-lalo na kung ang nararamdaman mo hindi mo masabi at wala kang mapagsabihan at walang gustong makinig sa gusto mong sabihin. ‘Yun ang magko-cause sa ‘yo ng mental health issues,” mahabang pag-amin pa ni Vice noong gabi.
At doon na niya sinabi na : “How did I cope up? I underwent therapy. Actually not underwent, I am still undergoing therapy. Nag-therapy ako noon at hanggang ngayong nagti-therapy pa rin ako.
“At ‘yun ang isang bagay na hindi ko gustong ihinto parang ginagawa kong regular ‘yung pagti-therapy kasi gusto kong matulungan ang sarili ko kasi marami pa akong gustong gawin kagaya ng breadwinners.
“Marami pa siyang pangarap, marami pa akong pangarap, marami pang nakapasan sa ‘kin, marami pa akong gustong gawin.
“Gusto kong manatiling malusog hindi lang ang pangangatawan ko kundi pati ang kaisipan ko kaya nagti-therapy ako hanggang ngayon.
“This is something na hindi ko masyado kasing nasi-share pa kaya nabigla ako (sa tanong), pero naisip ko, parang, ‘ano naman ang nakakahiya kung nagte-therapy ako?’ ‘Di ba?
“At saka gusto ko ring malaman n’yo na ‘yeah, nagte-therapy ako. I am proud of it at ito’y isang bagay na hindi natin dapat pinagdadalawang-isipan na gawin dahil going to a therapy or seeking help sa isang psychiatrist, psychologist o sa isang professional para tulungan ka sa iyong mental health issues should be as normal as going to the dentist, ‘di ba?
“It should be as normal as going to the derma kung may problema ka sa skin. ’Yung ganu’n. So, yeah, ‘yun. Para maharap ko at maalagaan ko ang aking pangangailangang mental, ako po ay nagte-therapy every now and then hanggang ngayon,” mahaba pang paglalahad ni Vice Ganda.
At any rate, ibang Vice Ganda ang mapapanood sa Dec. 25 kung saan kasama sa pelikula sina Eugene Domingo, Joel Torre, Jhong Hilario, Gladys Reyes, Kokoy de Santos, Lassy Marquez, MC Calaquian, Ion Perez, Petite, Divine Tetay, Gina Pareño, Al Tantay, Kiko Matos, Via Antonio, Malou De Guzman, at Negi.
Ito ay sa direction ni Jun Robles Lana para sa Star Cinema and IdeaFirst Company.
- Latest