Topakk, international ang level

Nagkaroon ng world premiere ang Topakk sa Locarno Film Festival. Naipalabas din sa Cannes filmfest. Inilabas din sa Austin Film Festival.

Wala naman silang claim na nanalo sila ng award o nakasali sa competition proper. Kasi ang mga festival sa abroad, may dalawang kategorya kang papasukan, ang for competition at saka iyong marketing and exhibition. At kung for exhibition ka, ibig sabihin may binatbat ka na. Maraming pelikulang Pilipino na dinala sa festivals noong araw lalo na sa Cannes ang ni hindi naman totoong naipalabas doon. Nagpupunta lang sila roon, nagbabakasakali sila.

Pero ang pelikulang Topakk, iba ang level dahil nag-exhibit ito sa 3 international filmfest.

Kaya naman sinasabi ng producer ng pelikula na si Sylvia Sanchez, natutuwa sila “because the film has come home.” Naipalabas na nila sa festivals sa abroad, at ngayon ay napili naman sa Metro Manila Film Festival, na ibig sabihin qualified din sila sa Manila International Film Festival sa Los Angeles, USA.

Nang makita namin ang trailer ng pelikula, talagang hard action, at sinasabi nila na medyo bloody nga ang pelikula nila. Pero hindi tokhang ang subject. May nakatagong kuwento tungkol sa isang psychological problem kaya ang isang tao ay nagkakaroon ng Topakk. Inamin din nila na may mga consultant silang mga medical psychologist nang gawin nila ang pelikula. Bagama’t sinasabi nila na ang ambisyon lang nila ay maibalik ang dating mga nausong action pictures sa Pilipinas, na lumamig nang mawala ang king na si FPJ o Fernando Poe Jr. at si Rudy Fernandez, at lumabnaw na ang mga pelikulang action dahil sa totoo lang ang isang action picture ay napakahirap gawin, at napakagastos. Bukod pa sa ang halaga ng produksiyon ng isang action film ay kasing halaga na ng dalawang drama. Kaya nga raw si Julia Montes ay nagkasugat-sugat noong tumalon mula sa itaas ng warehouse at mismong si Arjo Atayde ay marami ring natamong bugbog at sugat.

Makikita mo sa lahat ng ginawa nila, iyan ang pelikulang hindi naghahabol sa malaking kita, kasi napakagastos ng kanilang pelikula. Maging top grosser man iyan sa festival ay hindi pa rin sila tutubo nang malaki. Sa nakita namin ginawa lang nila iyan para makagawa ng isang pelikulang mahirap pantayan. Isang pelikulang hindi basta makakalimutan ng mga makakapanood at maipagmamalaki ng mga artista at teknikong gumawa ng pelikula.

Ang mga Pilipino ay kinikilala sa abroad bilang pinakamahuhusay na nurses, caregivers, at maging mga seamen. Panahon na para makilala rin naman ang mga Pilipino bilang magagaling na mga artista sa pelikula, at iyan ang maaaring pasimulan ng Topakk.

Show comments