Sa totoo lang, hindi kami aware na ang lumabas palang anak na bunso ni Ate Vi (Vilma Santos) sa Dekada ‘70 ay si John Wayne Sace, na kamakailan lamang ay nahuli dahil sa salang pagpatay sa isang dati niyang kaibigan.
Kung minsan nga sinasabing mas magaling pang umarte ang mga supporting actor kaysa sa bida. At sa totoo lang, mas maraming pelikula kahit na noong araw pa, ang supporting actors kaysa sa mga nagbibida.
Nalungkot din si Ate Vi sa nangyari kay John Wayne Sace.
“Noong mabalitaan kong nahuli siya at murder pa ang kaso, talagang nalungkot ako. Naging anak ko siya sa pelikula eh, at lahat ng mga artistang nakasama ko at naging anak ko sa pelikula, ang tingin ko sa mga iyan parang mga tunay na anak ko na rin.
“Tingnan ninyo si Claudine (Barretto) hanggang ngayon close kami dahil hindi ako nakabitaw sa role ko na nanay niya. Si Carlo Aquino. Si Piolo (Pascual), lahat ang mga iyan parang anak ko ang feeling ko.
“Ganundin naman si John Wayne, hindi nga lang kami masyadong naging close dahil pagkatapos naman ng Dekada, ni hindi na yata kami nagkita. Pero ang natatandaan ko sa batang iyan napakabait sa set, at saka tingnan naman ninyo ang hitsura niyan noon, maiisip mo bang darating ang isang araw na makapatay siya ng tao? Parang malayo eh, mukhang anghel pa iyong batang iyan noong araw,” banggit ni Ate Vi.
Pero ang kaso nga, sinasabing may kinalaman sa droga.
“Talaga namang walang ibinubunga mabuti ang paggamit ng droga, kahit na kanino. Hindi maaaring hindi eh, darating ang isang araw ipapahamak ka niyang droga na iyan. Kaya ako laban din naman ako sa droga. Kasi hindi mo masabi eh, minsan biktima lang din sila. Kaya maski na noon sa Batangas, basta sinabing may addict talagang sinasabi ko ipa-rehab iyan, kung ayaw pa, piliting ipa-rehab pero huwag naman iyong isa-salvage, hindi ako naging pabor kahit na kailan sa extrajudicial killing. Iyong “tokhang,” iyong original idea na kakatukin nila at pagsasabihan ok sa akin iyon eh.
“Awa naman ng Diyos, sa Batangas noon may mga nangyari ring ganyan pero hindi masyado. Kasi matitino talaga ang mga tao sa Batangas at napakababa ng kaso namin sa droga kahit na noong araw,” sabi pa ni Ate Vi.
Showbiz personality, ‘di tanggap na mas chaka sa kapatid
Galit na galit ang isang incidental showbiz personality, dahil talagang hindi niya matanggap ang madalas sabihin ng mga tao na napakaganda ng kanyang stepsister at siya ay pangit. Hindi mo naman maiaalis iyon dahil totoo naman. Hindi naman siya napakapangit, pero kung itatabi mo talaga sa stepsister niya, mukha siyang portalet.
Kahit na ano pa ang sabihin ng nanay niya na magkaiba lamang ang kanilang kagandahan, alam naman niyang napakalaki talaga ng pagkakaiba at iyon ang sinasabi ng mga tao. In fact, inaway na nga niya ang kanyang best friend nang napakatagal na nang payuhan siya noong tanggapin na lang ang katotohanan na hindi nga siya ganun kaganda.
Pero ang talagang malaking kaibahan sabi nga ng mga nakakakilala sa kanya, iyong kapatid niya maganda graciosa pa, samantalang siyang pangit ang mahilig pang magtaray.