Award-winning actress, habit na ang pagpapahintay

Namumuro na ang isang award-winning actress na lumalabas sa isang series dahil sa uga­ling paghintayin ang staff at mga eksena kapag siya na ang kukunan sa eksena!

Palibhasa, malapit sa bidang aktor na hindi kabado na matatanggal sa series kaya pinaiiral ang kapritso kahit galit na galit na ang staff.

Kapag kasi tinatawag na si aktres para kunan ang eksena, hindi agad siya pumupunta sa set. Lagi niyang sinasabi na maya-maya na.

Pero ilang minuto pa ang palilipasin ng aktres bago siya pumunta sa set. Naging habit na ito ng aktres kaya bwisit na bwisit ang staff!

Naging malapit ang aktres sa bidang aktor dahil sa isang movie na ginawa nila na talaga namang pinagpistahan ang mainit nilang eksena na nauwi sa totohanan, huh!

Tom, inaming tatay na!

Ang anak na maliit ang nagpapasaya ngayon sa mundo ni Tom Rodriguez. Inamin ng aktor na may anak na siya sa kanyang partner na ayaw niyang sabihin kung sino.

Tutal naman, divorced na si Tom sa pinakasalang si Carla Abellana. Ang anak ang dahilan kung bakit magaan ang pananaw niya ngayon sa buhay.

May pelikulang ginawa si Tom titled Huwag Mo ‘Kong Iwan kasama sina JC de Vera at Rhian Ramos mula sa direksyon ni Joel Lamangan.

Kung merong ayaw mangyari ni Tom ngayon sa buhay eh ‘yung iwan siya ng partner at isama ang kanyang anak.

Bukod sa movie, napapanood si Tom sa GMA series na Lilet Matias: Attorney-At-Law.

Show comments