MANILA, Philippines — Inaprubahan ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ang mga nakakatakot na pelikula para sa parating na linggo bilang paggunita sa Araw ng Undas.
Ang pelikulang Talahib, isang katatakutang istorya sa masukal na talahiban, ay nabigyan ng R-13 mula sa MTRCB Board Members (BMs) na sina Eloisa Matias, Antonio Reyes at Fernando Prieto.
R-13 din ang Venom: The Last Dance ng Marvel at The Fix ng Pioneer Films.
Mga edad 12 at pababa lamang ang puwedeng manood sa ilalim ng R-13.
Ang Vina: Before 7 Days mula Indonesia at Alice na tumutok sa artificial intelligence ay rated R-16. Sa R-16, mga edad 16 at pataas lamang ang puwedeng manood.
Ang Friendly Fire, gawang lokal na naipalabas sa Hawaii International Film Festival, ay rated PG (Patnubay at Gabay ng Magulang).
PG din ang pelikula ni Jackie Chan na Panda Plan at ang Japanese animated film na The Colors Within.
Sa PG, kailangang may kasamang magulang o guardian ang mga batang edad 12 at pababa sa sinehan.
Binigyang-diin ni MTRCB Chairperson at CEO Lala Sotto-Antonio na ang masusing pagrerebyu ng pelikula ay base sa Presidential Decree No. 1986 o ang MTRCB Charter.
“May sinusunod din kaming seven-point framework. At ang pinaka-importante sa lahat, ginagamit namin ang takdang moralidad base sa kulturang Pilipino,” sabi ni Sotto-Antonio.