MANILA, Philippines — Parang nakapagpahinga nang husto si Alexa Miro nang nakita namin muli sa announcement ng limang entries na pasok sa 50th Metro Manila Film Festival na ginanap sa Podium kahapon.
Pagkatapos ng Tahanang Pinakamasaya ay ngayon lang uli namin siya nakita, kaya parang lalo siyang gumanda.
Naging busy rin daw siya pagkatapos ng noontime show dahil ginawa na nga nila ang MMFF entry nilang Strange Frequencies: Haunted Hospital na kinunan pa sa Taiwan.
Nagulat ang singer/actress na may intriga pala ang pelikula nung sinabi naming isa raw sa financier nito ay ang rumored boyfriend niyang si Cong. Sandro Marcos. “Hindi po siya kasama,” pakli ni Alexa.
“Ang mga producer po nito ay Reality MM Studios…at ang bagong producer namin na ngayon lang lumabas,” dagdag niyang pahayag.
Maingay kasi kaya hindi ko nakuha ang iba pa nilang producer na binanggit ni Alexa.
Pero nalaman namin ang iba pang producers ng naturang pelikula ay ang Mothership at Immerse Entertainment.
Isa rin pala sa producers nito ay si Enrique Gil na bida rin sa pelikulang ito na kasama rin sina Jane de Leon at Rob Gomez.
Ipinagkibit-balikat na lamang ni Alexa na talagang consistent na natsitsismis sila ni Cong. Sandro. “Siyempre, alam nyo naman po ganun talaga,” sabi pa niya.
Pero close pa rin naman daw talaga sila hanggang ngayon.
“Oo naman. Hindi naman mawala yung closeness hanggang ngayon.
“I’m really honored to be his friend. Lalo na po the way that he carries himself as Congressman,” nakangiting pahayag ni Alexa.
Kapatid ng aktor, naglaladlad na
Sumali sa isang patimpalak ng mga kalalakihan ang kapatid ng kilalang aktor.
May laban naman. Hindi man siya kasing pogi ng kilalang aktor, pero may dating naman.
Balak din niyang pasukin ang pelikula. Pero wala pa man siya sa showbiz, natsismis na ito sa mga kapwa candidates na may bahid ng kabadingan.
Natanong pa siya sa interview tungkol sa mga LGBTQIA+ at makahulugan ang sagot niya na mukhang mag-o-open na raw siya ng tunay niyang pagkatao.
Naalala pa namin sa mga nakaraang interview namin kay aktor na gumanap na bading sa isang pelikula.
Ang sabi niya, ang kapatid daw niyang miyembro ng LGBTQIA+ ang peg niya sa role na ginampanan. Hindi kaya itong si brother na sumali sa panlalaking patimpalak?