Kwalipikasyon sa trabaho, mas mahigpit pa kesa sa mga gustong kumandidato

Nagtapos na kahapon, Oct. 8, 2024, ang week-long na pagpa-file ng Certi­ficate of Candidacy (COC) ng iba’t ibang mga kandidato sa buong bansa na nagnanais na muling manatili sa kanilang kasalukuyang puwesto, mag-iba ng posisyon, bumalik sa pulitika ma­ging ang mga baguhang kandidato.

Salve A., alam nating lahat na malabo nang masolusyunan pa ang political dynasty sa Pilipinas na marami ang guilty sa ating mga pulitiko including politicians from showbiz.

Marami ring mga taga-showbiz ang nanggulat nang magsipag-file ang mga ito para sa iba’t ibang posisyon na kanilang aasintahin.

Babalikan ng Star for All Seasons at seasoned politician na si Vilma Santos-Recto ang pagiging governor ng Batangas na tatlong termino o siyam na taon niyang hinawakan. Pareho namang baguhan sa pulitika ang dalawa niyang mga anak na sina Luis Manzano at Ryan Christian Recto na tatakbo sa magkahiwalay na posisyon, bilang vice-governor at 4th district representative ng Batangas.

Muli namang kakandidato sa pagiging second nominee ng bagong tatag na People’s Champ partylist ang superstar at National Artist na si Nora Aunor.

Ang co-star ni Guy sa pelikulang Bona na si Phillip Salvador ay tatakbo naman sa pagka-senador. 

Kakandidato naman sa pagka-vice mayor ng Malabon City at Pililla, Rizal sina Angelika de la Cruz at dating It’s Showtime director na si Bobet Vidanes.

Marami naman ang nasorpresa sa kandidatura ng actor na si Aljur Abrenica bilang konsehal ng Angeles City, sina Enzo Pineda bilang councilor ng 5th district ng Quezon City, Ara Mina, Zanjoe Marudo, Abby Viduya, Shamcey Supsup, Cacai Cortez at iba pa bilang councilor sa iba’t ibang distrito.

Reelectionists bilang konsehal ng magkaibang distrito ng Quezon City sina Alfred Vargas at Aiko Melendez habang muling kakandidato sa pagka-mayor at vice mayor ang mga incumbent na sina Mayor Joy Belmonte at Vice Mayor Gian Sotto.

And the list goes on and on.

Alam mo, Salve A., dapat ay i-amend na ang kasalukuyang batas para sa mga kuwalipikasyon ng mga kandidato at hindi sa kung sinu-sino na lamang ang gustong tumakbo sa iba’t ibang posisyon kahit hindi kuwalipikado. Mas mahigpit pa ang mga hinihinging requirements kapag ang isang tao ay nag-a-apply ng trabaho kesa sa mga kakandidato.

Nathalie, hiwalay na agad sa pangalawang mister!

Hindi ikinakaila ng StarStruck alumna at bagong contract artist ng Viva na si Nathalie Hart na napapabayaan umano niya ang kanyang showbiz career sa tuwing naiinlab siya.

Bumubulusok na noon ang karera ni Nathalie nang ito’y mainlab sa isang Indian businessman na si Mayank Sharma pero bago pa man niya isilang ang kanyang daughter na si Penelope (in Australia) ay hiwalay na sila. Muli siyang umibig sa kanyang ex-husband, ang Australian national na si Brad Robert nung isang taon. The couple got engaged nung August 2022 na nauwi sa kanilang pagpapakasal nung July 2023. Pero pagkaraan lamang ng isang taong pagsasama bilang mag-asawa ay nauwi ito sa hiwalayan.

Nangako si Nathalie na magpu-focus muna siya sa kanyang career sa tulong ng Viva bago siya umibig muli.

Kaya?

Ngayong nasa bakuran na siya ng Viva ay may mga proyekto na siyang sisimulan at umaasa siya na sana’y tuluy-tuloy na ito.

Show comments