Anak ni Yasmien, namimilipit pa rin sa sakit ng tiyan

Hindi pa rin pala magaling ang anak ni Yasmien Kurdi at Rey Solde­villa na si Ayesha at nasa ospital pa.

Ipinost ng aktres ang isang video kung saan dinalaw niya ang panganay na anak na namimilipit pa rin sa sakit ng tiyan.

Pagpasok pa lang nila kasama niya ang baby niyang si Raya ng kwarto ay makikita agad si Ayesha na hirap na hirap pa rin sa sakit ng tiyan.

Sa post ni Yasmien ay binahagi niya ang natutunan sa mabigat nilang pinagdaraanan ngayon. Sinabi niyang bilang magulang ay gagawin din niya ang lahat para mawala ang sakit ng anak. Pero ang nakakapagpaginhawa raw sa kanya ay ang malamang nariyan ang buong pamilya nila sa likod niya na handang sumuporta at tumulong.

Heartwarming at humbling daw ang pakiramdam na nagpapaalala sa kanila na hindi sila nag-iisa sa parenting journey nila. Sama-sama nilang pinagtutulu­ngan na malagpasan ng anak ang pinakamahihirap na pagsubok.

Maaalala ngang isinugod nila sa ospital ang eldest daughter nila ni Rey ilang araw ang nakararaan dahil sa pagsusuka at sakit ng tiyan.

Hirap na hirap din si Yasmien noon dahil hindi niya madalaw ang anak dahil kailangan niyang alagaan ang bunso nila.

Ipinost din niya noon na hanggang video call lamang sila ng anak at wala siyang magawa.

Marami naman ang naka-relate na mga magulang sa kanya. Masakit daw talagang makita na nasasaktan ang mga anak.

Wala pang sinasabi ang mag-asawa tungkol sa sakit ni Ayesha kaya dasal ng mga kaibigan at tagahanga ng aktres na simpleng sakit lang ito ng tiyan.

Nawa’y gumaling na talaga ang apo-apohan kong si Ayesha.

Show comments