Inalmahan ng mga miyembro ng DGPI o ng Director’s Guild of The Philippines Inc., ang isa pang samahan ng mga direktor ng pelikula bukod sa KDPP (Kapisanan ng mga Direktor ng Pelikulang Pilipino) ang pagbibigay ng MTRCB ng X rating sa dalawang pelikula, Alipato at Muog (na ginawang R-16) at Dear Satan.
Sa kanilang second review ng Alipato at Muog, binigyan na iyon ng R-16 kaya malaya na iyong maipapalabas sa mga sinehan. Pero ang Dear Satan, pinanatili ng second review committee ang classification na X dahil sa sinasabi nilang paglabag noon sa ilang mga probisyon ng PD 1986.
Nilinaw nila na hindi lamang ang titulong Dear Satan ang may problema kundi ang content ng pelikula sa kabuuan noon.
Natural puputak na naman ang DGPI na naniniwala na ang X ay pagsaklaw sa kanilang kalayaan bilang filmmakers.
Pero mali ang kinakahulan ng DGPI, hindi ang MTRCB ang dapat na banatan, dahil sila ay nagpapatupad lamang ng batas, at ano man ang isipin nila, ang mandato lang naman nila ay ipatupad ang PD 1986.
Ang dapat kahulan ng DGPI ay ang kongreso dahil dapat sila ang magbago sa batas. O gumawa ng amyenda na magiging batayan ng ipatutupad na patakaran ng MTRCB.
Hindi mo rin naman sila masisisi, minsan sila nga ang binabanatan dahil sa malalaswang pelikulang lumalabas sa internet streaming na napapanood daw maging ng mga bata. Gusto man iyang pakialaman ng MTRCB hindi nila magagawa dahil wala sa mandato nila na makialam pati sa internet. Noong gawin ang PD 1986, wala pang internet.
Sanya, deboto sa Manaoag
May nakakita sa Kapuso star na si Sanya Lopez na may dalang isang magarang sports car na pinabendendisyunan sa simbahan ng Manaoag.
May nagtatanong namang mga pakialamera, bakit sa Manaoag pa ang bendisyon?
Baka deboto ng Mahal na Birhen sa Manaoag si Sanya. Kanya-kanyang paniwala iyan eh, kanya-kanyang debosyon. Wala ngang kaibahan ang bendisyon ng pari sa Manaoag at sa kahit na saang simbahan pero kung iyon ang makakagaan ng loob ni Sanya at makapagbibigay sa kanya ng kapanatagan ng loob kung sakay siya ng sports car niya eh, di ok lang.
Samantala, ngayon lang namin nalaman, ang kaibigan pala naming si Jessica Asis o mas kilala sa alyas na Leila Chikadora ay may debosyon din sa mahal na Birheng Maria, pero ang pinupuntahan niya ay ang Mahal na Birhen ng Aranzazu, na dito sa atin ay may simbahan sa San Mateo.
Marami na rin naman kaming narinig na mga himala ng Birhen ng Aranzazu, bukod sa kuwento ni Laila. Iyon ang dahilan kung bakit pinahintulutan din ng canonical coronation ng imahen ng birhen sa San Mateo, dahil nga sa mga napatunayang himala na nangyari sa pamamagitan noon.
Tingnan nga ninyo iyang si Laila, muntik na rin iyang ma-stroke, in fact nagkaroon na siya ng stroke nang hindi niya namamalayan, pero sabi hga niya sa amin, sa awa ng Diyos at sa tulong ng Mahal na Birhen, hindi naman naging malala ang epekto ng stroke sa kanya.
May mga kasama kami na mas malalakas sa amin, halos wala ngang sakit eh, napagod inatake at ngayon ay nasa kapayapaan na. Talagang hindi mo masasabi ang buhay ng tao. Diyos lang ang nakakaalam.