Napapagkamalang anak sa labas ni Sen. Robin Padilla ang upcoming actress na si Sophie Ng.
Sa presscon ng Sinag Maynila 2024 entry na Her Locket, nabanggit ito ni Sophie.
Sa totoo lang kasi, may hawig siya kay Kylie Padilla.
Lalo sa malayuan, parang magkapatid nga sila.
Gulat nga raw si Sophie na marami talagang ganung reaction.
“Actually, for some reason nung time na ‘yun nung nagti-taping kami sa Hinulugang Taktak nagulat na lang talaga ako ‘pagkasabi ni Direk (‘di niya binanggit kung para saang project) ng cut nagdumugan ‘yung mga tao. Tapos biglang sabi ko, hala anong nangyari like first time ko maka-encounter ng ganon na dumog,” umpisa niyang kuwento.
“Tapos sabi ko, anong nangyari so nakakatawa kasi talagang kinuha pa nila ako sa area kasi ang dami nang tao. Nilayo nila ako sa mga crowd. Tapos biglang sabi nung production manager namin na may nagkakalat daw na anak ako ni Robin Padilla sa labas. Tapos para akong nahiya sabi ko, hala sino kayang nagsabi nu’n.
“Kaya pala ‘yung mga tao nagsidumugan kasi akala nila anak ako sa labas. Sabi ko, grabe naman makagawa ng sabi-sabi or what,” kuwento pa ni Sophie sa amin after ng presscon ng Her Locket na naniniwalang may mahalagang lesson na matututunan ang manonood ng kanilang pelikula sa Sinag Maynila 2024 na dinirek ni J.E. Tiglao.
Nag-assume rin daw ang iba na baka kapatid nga siya sa labas ni Kylie.
“Sabi ko, it’s an honor. Parang nakakaloka ‘yung rumor kaya ayun pinagtawanan na lang namin after that.”
Ano mga project mo aside from Her Locket?
“Right now, may hinihintay po ako and currently nag-a-audition lang ako eh ng mga kung ano makita casting audition. Freelance lang po kasi ako eh, wala akong management or like naghahawak sakin.”
Pero nakagawa ka na ba ng mga teleserye?
“Movie po, Call My Manager. I remember parang ano yata sya. I’m not sure...”
Na hindi pa napalabas?
“Yes po. Saka GomBurZa po, andun po ako. Actually dapat sa GomBurZa production staff lang po ako kasi sabi ko rin sa mga kakilala ko sa prod na if ever you have projects sama ninyo ko kahit prod lang, hawak ng actors or what. Gusto ko rin mag-work as a prod, prod team. Tapos nung pagdating ko sa set ng GomBurZa sinabi, uy kailangan daw ng mestiza. Sige kunin na natin ‘to. Palitan ninyo ng damit. So pinalitan nila ako ng damit nu’n and nakasama ako sa film. Actually, fun and na-enjoy ko ‘yung experience ko sa pelikula.”
Ang Sinag Maynila 2024 ay nakatakda sa Setyembre 4 hanggang 8 sa Gateway, SM Manila, at iba pang kalahok na mga sinehan sa Metro Manila.
Sen. JV, tikom sa vegetarian GF!
Unofficially single na pala si Sen. JV Ejercito.
Hinihintay na lang nila ang resulta ng annulment nila ng now ex-wife niyang si Ms. Patty Betita.
Four years na silang hiwalay at nanatili naman daw silang friends.
Pero ayaw magbigay ng details ni Sen. JV tungkol dito.
Basta happy raw siya at walang sagot kung totoong may girlfriend na siya na isang vegetarian.
Samantala, ayaw makisali ni Sen. JV sa Senate investigation sa sexual harassment na kasalukuyang pinag-uusapan.
Pakiramdam daw niya ay maraming mas malaking isyu na pwedeng pag-usapan. “Hindi, kasi parang sa amin kasi there are more bigger national issues of national interest. Saka ‘yung ganung personal, sexual harassment ‘pag dumating sa mga very private na usapan parang ayaw mong pakinggan eh. Syempre kapag nasa Senate magiging political saka lalabas sa lahat. So hindi na lang ako – marami naman sila ru’n eh so, okay na rin ‘yun. Ayaw ko kasi pakinggan ‘yung mga ganun publicly,” paliwanag na senador na half brother ni Sen. Jinggoy Estrada na isa sa nangunguna sa pag-iimbestiga ng kasong sexual harassment ni Sandro Muhlach.
Isinalaysay nga ng anak ni Niño Muhlach sa pagdinig ng Senado kung paano siya minolestiya at tinuruan na gumamit ng iligal na droga ng mga umano’y umaabuso sa kanya.
Pinangungunahan nina Senators Robin Padilla and Jinggoy ng Senate Committee on Public Information and Mass Media ang rape complainant Sandro Muhlach hanggang nalantad na rin ang kuwento ni Gerald Santos.
Ayon sa dalawang aktor / senador may matibay na ebidensya laban sa GMA Independent contractors na sina Jojo Nones at Richard Cruz sa kasong sexual harassment.
Anyway, going back to Sen. JV, na nakasabay lang namin sa isang restaurant sa Greenhills kahapon, 48 lbs. na ang ipinayat niya.
At kita nga naman ang ebidensiya. Nawala na ang pagiging chubby niya.
“Well, nag-cycling ako nung pandemic. Nag-bike ako kahit sa work. Talagang for four years nagba-bike ako. So, I lost a lot. Pero lalong bumilis ‘yung weight loss ko nung nag-change na ako ng diet. Nag-intermittent fasting ako. And then, I cut down already on sugar, red meat. Wala na akong meat. Pork, chicken konti-konti, fish konti-konti. More on vegetable na. So, ‘yun. I lost a total of siguro 48 pounds na,” pagkukuwento niya sa naging journey ng pagpayat.
“Ika-4th year na ngayon. Pero I lost, siguro 2 years pumayat na rin ako. Pero ngayon, 4th year. Nag-vegetarian pa ako, semi-vegetarian pa ako. I lost some more. Mga 6 months pa lang naman ako. Lifestyle change talaga,” aniya na nung tanungin namin kung influence ba ‘yun ng new girlfriend niya ay tawang-tawa lang ang senador.
Melai, may task sa Bahay ni Kuya
Nakabalik muli sa loob ng bahay ni Kuya si Melai Cantiveros hindi lamang para maghatid saya sa mga housemate kundi pati na rin sa kanyang special mission na may kaugnayan sa kanilang weekly task ngayong linggo sa PBB Gen 11.
Inatasan ni Kuya si Melai na pasayahin ang housemates matapos ang nagdaang linggo kung saan pinarusahan sila sa kanilang violations sa loob ng bahay pati na rin sa naging eviction nina Dingdong at Patrick.
Kailangan ding tulungan ng Kapamilya host ang housemates sa kanilang kasalukuyang weekly task na pagprodyus ng isang Tagalog-Bisaya musical/play.
Ika ni Kuya, perfect choice si Melai para sa task na ito lalo na at siya’y proud Bisaya at may sariling Bisayan talk show na Kuan on One.
Dito na rin nagpasalamat si Melai kay Kuya sa naging oportunidad na maging housemate noon ni Kuya sa Pinoy Big Brother: Double Up, kung saan siya rin ang nagwaging Big Winner.
“Thank you sa’yo. Kung hindi ako nagsimula rito, talagang walang mapupuntahan ang aking pagka-Melai,” aniya.
Bukod kay Melai, katuwang din ng Housemates ang 2023 World Hip Hop Dance Champions na Legit Status, tampok ang New Gen Dance Champion na si Gela Atayde at Coach Vimi Rivera para pagandahin ang kanilang dance choreography.
Samantala, nanganganib naman ngayong linggo ang mga nominadong sina Fyang, Jan, at Jas na mapalabas sa bahay ni Kuya.
Sa mga nais bumoto, i-download at mag-sign up nang libre sa Maya app, ang official voting partner ng PBB Gen 11. I-tap lang ang PBB icon sa app para makaboto ng mga nominadong Housemate na nais nilang ma-save o evict, at pwedeng bumoto ng 10, 50, o 110 votes na ibabawas sa Maya wallet. Pwedeng makaboto ng 15 beses kada araw.
Abangan ang latest updates sa Pinoy Big Brother Gen 11 tuwing Lunes hanggang Biyernes, 10:15 p.m. sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, A2Z, TV5, at iWantTFC.
Mapapanood din ito tuwing Sabado at Linggo, 8:30 p.m. sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, A2Z, at iWantTFC, at 9:30 p.m. sa TV5.