RK at Jane, iniyakan sa kuwento ng Batang ASD
MANILA, Philippines — Ang daming naiyak sa Cinemalaya entry na Love Child.
Naiiyak sila dahil sa kuwento ng pelikula, na first Cinemalaya entry ng Regal Entertainment.
Pinagbibidahan ito nina RK Bagatsing at Jane Oineza.
Iikot ang kuwento sa magkasintahang sina Ayla (Jane) at Paolo (RK) na nag-decide na huminto sa pag-aaral upang bumuo ng isang pamilya pagkatapos ng isang whirlwind romance na humantong sa isang hindi planadong pagbubuntis.
Makalipas ang apat na taon, nalungkot sila nang malaman na ang kanilang anak na si Kali ay na-diagnose na may autism.
Habang nilalalakbay nila ang mga kumplikasyon ng pagpapalaki ng isang bata na may mga espesyal na pangangailangan, kinakaharap nila ang isang hindi suportadong kapaligiran.
Hinahamon ng kanilang journey ang kanilang relasyon at ang pangarap ng isang kumpleto, maayos na pamilya, na pinipilit nilang makahanap ng lakas at katatagan sa mga pagsubok sa responsibilidad sa anak.
“Binabasa pa lang namin ‘yung script, umiiyak na kami. Ang dami na naming iniyak sa istorya,” sabi ni RK nang makausap namin siya sa wake ni Mother Lily Monteverde sa 38 Valencia noong isang gabi.
Susog ni Jane : “Sa script pa lang talaga...”
At marami raw talagang lumapit na parents sa kanila at nagpasalamat na tinalakay nila ang kuwentong ito.
“Nung shoot pa lang po nakakatuwa kasi marami rin kaming kasama like ‘yung kids talaga doon sa scene. So, may mga lumalapit na moms. Kunwari nung nakaupo lang ako sa labas may lumapit sa akin na, ‘thank you ginawa ninyo itong istorya na ito.’ Thank you dahil parang ilalabas ninyo ito sa iba, maririnig ‘yung story namin. Tapos doon pa lang na-touch ako and then ‘yun nga ‘yung sa trailer, sinabi nila na ginamit ‘yun as platform to share their stories,” sabi pa ni Jane sa aming interview.
“Saka sa trailer pa lang ‘yung mga comment po nila nakakatuwa kasi ‘yun ‘yung goal po talaga ng movie. ‘Di ba parang kapag may pinagdaraanan tayo feeling natin nag-iisa tayo. So mabasa lang ‘yung comments na ‘yun parang meron na kaagad sense of, in a way parang support system, na meron din palang ibang nakakaramdam,” sabi naman ni RK.
Kumbaga, in-embrace ng community ang kanilang pinagpagurang pelikula.
“Ayun! Ayun ‘yung message nung inbox namin nung nilabas ‘yung trailer. Lahat sila looking forward to watch.”
Samantala, kung young parents sila sa Love Child, hindi naman nila pini-pressure ang sarili ang maging mga magulang na sa totoong buhay.
“‘Yun nga hindi ko pini-pressure ‘yung sarili ko ngayon. Wala akong timeline na sinusunod sa ngayon, parang nandito lang ako sa ano ‘yung kailangan ko ngayon. Ano ‘yung kailangan ko in the next 5 years and I believe this is for the purpose of bettering myself, my career, and my loved ones,” sabi ng actress.
Kahit, dream wedding wala pa sa pinag-uusapan ng magkarelasyon na napapagkamalang package deal sa kanilang mga proyekto.
“Talagang wala po. Hindi kasi ako ‘yung type na may dream wedding. Kasi napapanood ko ‘yung mga ganun sa movies eh talagang bagets pa lang sila may journal na dapat ng ganito, ganyan.”
‘Di ba dalawa ang dream, debut and wedding?
“Ayokong mag-debut. Tapos ‘yung wedding hindi ko rin sya pinaplano pero ang nakakatuwa ‘yung debut ko, tatlong beses ako nag-debut pero wala akong plano mag-debut,” sabay tawa ni Jane.
Pero sa totoong buhay, mas gusto ninyong pakasal muna bago magkaanak o kagaya sa movie na nagkaanak kahit walang kasal?
“Ideally siguro na you want to parang (kasal first before bata?) Oo, of course.”
Dagdag ni RK : “Syempre doon na ‘yun para siguro ‘pag nag-set ka na ng priority okay family na tayo sunud-sunod na. Step by step.”
Sa ngayon daw nag-iipon pa sila at marami pang bucket list na kailangang lagyan ng check bago talagang pag-usapan ang pagpapapamilya.
Ang Love Child ay directed and story by Jonathan Jurilla.
At kabilang sa mga producer nito si Mother Lily with his daughter Roselle Monteverde at apong si Keith Monteverde na isang abogado sa Amerika pero sa bansa na titira upang ipagpatuloy ang ginagawa ng kanyang lolang namayapa sa edad na 84.
Magkakaroon ng commercial exhibitation ang Love Child.
Nora Aunor, may sakit
Si Matet de Leon ang nagbasa ng mensahe ni National Artist Nora Aunor para kay Mother Lily Monteverde noong isang gabi.
Ayon kay Matet, may sakit ang kanyang ina pero hindi niya binanggit kung ano.
Malaki ang nagawa ni Mother Lily sa naging career ni Nora.
“Hindi ninyo ipinagkait sa akin. Sa lahat ng magagandang pelikula na ginawa ko sa loob ng Regal, na kapag unang araw ng showing ay sinasamahan n’yo kami na mag-ikot sa mga sinehan at ramdam ko po sa puso ninyo ang kasiyahan.
“Ang inyong alaala ay nakaukit na sa aking puso, hindi kailanman mawawala at basta makakalimutan.
“Maraming, maraming salamat po sa lahat ng kabutihan, tulong at mga pelikulang ginawa ko sa Regal films sa loob ng inyong personal na pamamahala.
“Mahal ko po kayo, Mother Lily. Nais ko po sana kayong makita ng huling sandali, bagama’t hindi ko po kayo madalaw sa aking karamdaman,” bahagi ng mensahe ni Ate Guy na binasa ni Matet.
Ayon naman kay Matet, pumunta rin siya to give respect at personal na makiramay.
Kumusta si Ate Guy?
“Si Mommy ayun nga po medyo not feeling well po siya but she’s okay naman.”
Hindi naman daw niya nakausap ang mommy niya tungkol dun dahil sinend lang nito ang nasabing message.
Ilan ang nagawa mong movie sa Regal, tanong namin kay Matet?
“Hindi ko po mabilang. Hindi ko po alam talaga.”
Pero ‘yung last?
“‘Yung last ko with them is I think Mama Dito sa Aking Puso with mommy yata. Ayun yata.”
May copy ka nung mga pelikula n’yo?
“Wala po. Sini-save ko na lang po ‘yung mga nasa YouTube,” chika ni Matet nung paalis na siya sa wake.
Nakatakdang ihatid sa huling hantungan si Mother Lily ngayong araw, Sabado.
Noong last Saturday lang inilibing ang mister niyang si Remy Monteverde.
Maligayang paglalakbay, Mother Lily.
- Latest