Nagbabala ang aktor na si Raymond Bagatsing matapos niyang mabiktima ng pekeng direk Jun Lana.
Nag-quick audition daw siya para sa supposed Japanese Festival of Dark and Daring sexy films sa pag-aakalang sina Direk Jun Lana at Lauren Dyogi ang kausap niya.
Ginawa raw niya ang audition sa pamamagitan ng messaging app na Telegram.
Pinahubad daw ng pekeng Direk Jun ang damit niya at umarte siyang parang may misis na nasa Tokyo para sa kanilang sexy anniversary vid call at sinabing sina Ivana Alawi at Lovi Poe ang kanyang magiging leading ladies na pumayag daw ang mga ito sa full frontal nudity para sa nasabing Tokyo festival.
Bilang aktor na nag-au-audition ay ginawa niya ang sexy scene o teasing scene. Pero nang sinabi ng pekeng director na hipo-hipuin niya ang sarili para maging realistic ang eksena ay doon na siya tumanggi at sinuot ulit ang kanyang damit, at sinabing “sorry Direk Jun this project is not for me.”
Pinutol daw niya ang tawag at nag-message na lamang.
Ipinost niya ang usapan nila ng dalawang pekeng director.
“Video Sex scammers using email, Viber , Telegram to get actors to do sex auditions pretending to be Direk Lauren Dyogi and Direk Jun Lana,” caption niya sa screenshots ng kanilang usapan.
Pinagbantaan pa raw siya nito na babayaran niya ang damages at kundi ay ikakalat daw ng mga ito ang kanyang video.
Pero wala raw siyang dapat ikahiya dahil isang professional audition ang kanyang ginawa at tinawag na extortionists at blackmailers ang dalawa.
Kaya panawagan niya sa Philippine showbiz ay magkaisa at mag-ingat sa mga manlolokong gaya ng mga ito.