Former Miss U R’bonney, sinuko ang pagiging pescatarian sa balut!

R’bonney

Ang bongga naman ng Miss Universe 2022 na si R’Bonney Gabriel na sinubukang kumain ng balut sa kalye sa Manila.

Pinakita niya sa TikTok video ang pagsubok niya sa pagkain nito.

Kuwento niya ay pescatarian siya at hindi siya kumakain ng karne pero ginawa raw niyang exception ang balut dahil sa tingin daw niya ay ito raw ang tipo na dapat subukan. Nasubukan naman na raw niyang kumain nito sampung taon na ang nakakaraan pero maaaring sa tagal ay nakalimutan niya at baka raw penoy iyon.

Walang kaarte-arte nga niyang sinubukan ang balut na nilagyan ng asin at suka. Matapos nga nitong kumain ay binigyan pa nito ng rating na six and a half ang balut.

Dahil nga mahilig daw siya sa itlog ay parang itlog lang naman daw iyon.

Pero hindi na raw siya uulit at sinabing “a one-time thing,” sa kanyang caption.

Mukhang sinusulit ng Filipino-American beauty queen ang pagpunta niya sa bansa. Kamakailan nga ay nakipagtawaran din siya sa Divisoria, sumakay ng jeep at pati ang pagluto ng sinigang.

Maaalalang hindi rin sinasadyang magkita sila ni Gloria Diaz sa isang bilihan ng tela.

Kaya hanga ang netizens at fans sa kanya dahil pagala-gala ito sa Maynila na napaka-simple pero classy.

Daig pa nga raw nito ang ibang Hollywood celebrities na tinatanggi ang pagiging Pinoy pero siya ay proud pa.

Show comments