Maricel at Romnick, dark horse sa labanan!
Talagang nakatutok kami sa internet buong hapon dahil hinintay namin ang announcement of nominees ng taunang The Eddys na ngayon ay nasa ikapitong taon na noong isang araw.
Ang Eddys na ipinagkakaloob ng Society of Philippine Entertainment Editors o SPEEd, ang sinasabing pinakaprestihiyosong award sa ngayon.
Sa loob ng nakaraang panahon walang nabalitang “naglakad” o “naglagay” para manalo sa Eddys. Alam naman kasi nila na mapapahiya lamang sila.
Gusto nilang mapanatiling taas noo sila sa pagbibigay ng awards, at saka malalagay sa kahihiyan pati ang mga diyaryo na kanilang pinaglilingkuran.
Sa taong ito ang mga nominado para sa best actress ng Eddys ay sina Kathryn Bernardo para sa A Very Good Girl, Charlie Dizon para sa Third World Romance, Julia Montes para sa Five Breakups and a Romance, Marian Rivera para sa Rewind, Vilma Santos para sa When I Met You In Tokyo, at Maricel Soriano para sa In Her Mother’s Eyes.
Kung mananalo si Kathryn, take two na niya ito dahil nanalo rin siyang best actress sa FAMAS. Kung palpak man ang FAMAS at least hindi sila palpak kay Kathryn.
Si Charlie Dizon naman ay nanalo na ring best actrss sa taong ito para sa mas pinagtitiwalaang URIAN.
Kung mananalo si Marian Rivera ay una niya iyan at maituturing ngang isang upset win dahil dalawang beses siyang tinalo ni Vilma Santos para sa pareho ring pelikula sa Metro Manila Film Festival at Manila International Film Festival. Si Vilma Santos ay hindi naman naghahabol ng award kahit na kailan basta happy siya na kumita ang When I Met You In Tokyo, na hanggang ngayon ay ipinapalabas pa sa mga sinehan sa abroad. Si Maricel Soriano ang dark horse sa labanang ‘yan.
Sa best actor naman ang nominees nila ay sina Elijah Canlas Dingdong Dantes,Cedrick Juan,Piolo Pascual, Alden Richards at Romnick Sarmenta.
Kanya-kanyang labanan iyan sa best actor pero ang dark horse sa laban ay si Romnick Sarmenta.
Maraming reviewers ang nagsabing napakagaling niya sa pelikulang iyon. Bagama’t hindi nga siguro napansin ang pelikula kasi isang indie at dalawa lang ang characters sa buong pelikula.
Isa rin iyong gay film. Pero sabi nila napakahusay raw ni Romnick talaga.
Kris, suki ng fake news!
Nagulat kami sa isang balita na naman sa social media kagabi diumano ay tila mas malala pa raw ang sakit ngayon ni Kris Aquino at maging siya mismo ay mukhang give-up na sa kanyang kalagayan. Isipin ninyong ang bilin pa raw noon sa boyfriend na si Mark Leviste na kung siya ay mamamatay ilagay siya sa isang simpleng kabaong na kulay dilaw? Isipin mo iyon, kailan ka ba nakakita ng kabaong na kulay dilaw?
May isa pa kaming narinig sa Batangas noong isang araw. “Mukha daw mahirap na ngang manalo sa eleksiyon ang Vice Governor nilang si Mark Leviste, ang sabi nila, ‘papaano mo nga bang iboboto iyan eh hindi mo halos makita sa kapitolyo, laging nasa abroad at nagbabantay kay Kris Aquino. Eh di pakasal na lang siya kay Kris Aquino at iwanan na niya ang Batangas,’” sabi pa nila kaya sa ngayon pinipilit nilang tumakbo ulit na governor si Ate Vi.
Pero ba’t may balita rin namang wala na sina Kris at Mark.
Ay, basta ‘wag maniwala sa mga fake news. ‘Wag aanga-anga sa mga nababasa sa social media.
- Latest