May statement si Alfred Vargas na hindi raw siya apektado ng usaping nangyari sa FAMAS at kay Eva Darren. Kung sabagay nasapawan na nga sila ng mga balita, at pasalamat siya talaga sa FAMAS at binigyan siya ng best actor award kahit na ang pelikula niyang Pieta ay ipinalabas lamang sa isang micro cinema ng ilang araw lamang matapos na iyon ay ma-reject ng Metro Manila Film Festival.
Pero sa totoo lang, hakutin man lahat ng awards, masakit pa ring isipin na walang nanonood ng pelikula sa mga sinehan.
Halos lahat ng pelikulang Tagalog ay semplang sa takilya, nilalangaw.
Hayyy…
Nawa’y ito rin ang pagtuunan ng pansin ng ibang nasa social media na mas pinapaboran ang Korean stars kesa sa sariling atin.
Grabe ang ginagawa nilang hype. Todo ang pagpo-promote. Paano na lang ang sa atin?
Pero sana gandahan din naman ng mga producer natin ang ginagawa nilang pelikula at hindi naman pulos parang ‘di pinaghandaan.
Stand-up comedian, inumbag sa stage
Nangyari ito sa isang bar sa Madrid, Spain.
Nagpe-perform ang isang stand-up comedian, na kinilalang si Jaime Caravaca, nang biglang umakyat sa stage ang isang lalaking kinilalang si Alberto Pugilato.
Pagdating sa stage ay binigwasan ni Alberto si Jaime inumbag-umbag niya talaga hanggang sa ang comedian ay nasadlak sa isang sulok.
Iyon pala si Alberto ay nag-post sa kanyang social media account ng picture niya kasama ang kanyang tatlong buwang gulang na anak. Iyon naman ay sinabihan ng isang hindi magandang comment ni Jaime, na para sa kanya ay isang joke lamang.
Iyon ang napala niya sa kanyang wala sa ayos na pagkokomedya, at iyan ay sa social media lang.
Eh kung ang pang-iinsulto ay ginagawa sa national television, masasabi ba ninyong hindi darating ang araw na may umumbag rin sa mga stand-up comedian na ginagawa ang ganyan sa kanilang mga kasama sa show o sa audience?
Kasi ang mga stand-up comedians lalo na iyong galing sa comedy bars sanay sa ganyan. Nilalait nila maski na ang mga customer doon, na pinagtatawanan naman ng mga tao.
Iyan ang lowest form, o masasabi nating cheapest form of comedy, iyong iniinsulto mo ang kapwa mo tao makapagpatawa lang. At iyan ay nangyayari sa atin hindi lang sa comedy bars kundi maging sa national television.
Panget pero bago masita ng MTRCB, nakalusot na on the air dahil live nga sila. Ang MTRCB naman kahit na parang foul na, hindi sila makakilos hanggang walang nagrereklamo sa kanila.
Siguro nga mas mabilis kung doon mismo sa show na may inunsulto sila umbagin na lang ang mga iyan gaya ng nangyari sa Madrid, para matuto sila ng kagandahang asal.
Kung may mang-uumbag sa mga ganyang comedian, hindi namin gusto ng violence, pero hindi rin naman siguro dapat pigilin ang gustong gumanti lang sa kanilang panghihiya.
Ganun ang katotohanan sa buhay. Hindi tamang magkaroon ng bastusan.
Miel, ayaw tigilan ang hitsura
Kawawa naman pala si Miel Pangilinan. Hindi naman kasi namin sinusundan ang batang iyan, o maging ang kanyang social media account dahil hindi naman siya isang entertainment personality, natawag lang ang aming pansin nang sabihin niyang tinawag daw siya ng isang basher na “a waste of genes.” Pinagtatawanan din daw ang hitsura niya.
Hindi naman pangit si Miel, mataba nga lang. At hindi naman siya dapat pinagsasabihan ng ganoon, una hindi siya isang public figure.
Iyon nga lang kasi lumalabas siya sa social media at ini-expose niya ang sarili niya sa publiko na mabilis namang magbigay ng kritisismo.
Siguro hindi nga siya kasing ganda ni KC Concepcion, na kahit naman ang nanay niya ay nagsabing walang point of comparison dahil ang tatay naman ni KC ay ang matinee idol na si Gabby Concepcion, hindi naman matinee idol ang tatay ng iba niyang anak.
Pero dapat pa bang ipagdiinan sa isang tao na hindi siya maganda?
Ang kapatid niyang si Frankie ay naging biktima na rin ng bashers at napagsalitaan din ng hindi maganda. Iyon naman kasi ay matapos niyang magtungayaw sa harap ng COMELEC, nung natalo sa eleksiyon ang tatay niya. Ang kalaban naman no doubt na mas maraming followers kaysa sa tatay niya kaya siya ang napagdiskitahan. Pero si Miel, wala namang ganoon pero napakasakit na sabihan siyang “waste of genes.”