Daniel, napapamura ‘pag naiisip si Kathryn!

Daniel Padilla.
STAR/ File

Nakakatawa ang mga pangyayari, umaasa raw pala si Daniel Padilla na magpapaabot man lang ng pagbati sa kanya ang  ex na si Kathryn Bernardo dahil birthday naman niya. Nagpadala siya ng mensahe noong birthday nito kaya mukhang inasahan din nitong ganundin ang gagawin ng ex.

Ang sumunod naman na­ming nakita ay kumakanta si Daniel sa kanya mismong birthday celebration, gabi na iyon nang bigla niyang isigaw na “PI may kapiling ka nang iba.”

Talagang sa ngayon mukhang para pa rin siyang tinatadyakan sa tuwing sasagi sa isip niyang wala na si Kathryn dahil sa kalokohan niya.

Samantala, sinulong daw ng mga taga-Star Cinema na bigyan naman ng ibang leading man si Kathryn dahil hindi na gaanong tumataas ang nakukuha nilang public support.

Noon ngang pumasok ang pangalan ni Alden Richards na suggestion naman daw ni Roxy Liquigan ng Star Cinema, at nangyari naman ang inaasahan, nakapagrehistro sila ng panibagong box-office record na halos isang bilyong piso, at regular run iyon hindi panahon ng isang festival.

Kung pag-aaralan sa business point of view matindi talaga ang kinalabasan ng KathDen, hindi naabot iyon ng KathNiel.

ABS-CBN, palalakasin ang AMBS!

May mga nagtatanong ano raw ba ang kakalabasan ng pagsasanib-puwersa ng ABS-CBN at ng AMBS ng mga Villar.

Ngayon sa pagsasanib nila hindi na kailangan ang isang congressional franchise, makipag-collab ka na lang sa network na may prangkisa, on the air ka na ulit.

Hindi iyan isang blocktime agreement, maliwanag na collaboration.

Kailangan iyan ng ABS-CBN dahil may mapaglalabasan sila ng kanilang content na hindi na magbabayad ng blocktime.

Ang mga Villar naman, naisip na siguro nilang hindi pala ganoon kadali ang magbuo ng isang TV station.

Pero magiging kasing lakas kaya ng ABS-CBN ang dating ng kanilang bagong istasyon, kung ang premiere programs nila ay napapanood sa ibang channels?

Ang maganda lang diyan darami ang produksiyon ng ABS-CBN, mas maraming trabaho para sa mga manggagawa sa industriya.

Show comments