MANILA, Philippines — Nakatanggap ang Kapuso personalities at programs ng 14 na parangal mula sa 2nd Laurus Nobilis Media Excellence Awards ng Lyceum Philippines University Cavite at Perpetualites’ Choice Awards ng University of Perpetual Help JONELTA System.
Nagwagi sa Laurus Nobilis Media Excellence in TV News Reporting ang GMA Integrated News reporters na sina Mariz Umali (Female Category) at Ivan Mayrina (Male Category).
Sa larangan naman ng radio ay pinarangalan sina Susan Enriquez (Female Category) at si Joel Reyes Zobel (Male Category) para sa Laurus Nobilis Media Excellence in Radio News Reporting.
Habang sina Maki Pulido at Drew Arellano naman ay tumanggap ng Laurus Nobilis Media Excellence in Public Affairs Hosting para sa Female at Male Category.
Bukod dito, pinarangalan si Papa Dudut ng Barangay LS 97.1 Forever ng Laurus Nobilis Media Excellence in Radio Disc Jockeying para sa Male Category.
Binigyang-pugay rin ang Kapuso Network sa first-ever Perpetualites’ Choice Awards kung saan nagwagi bilang Best News Program ang GMA Integrated News’ award-winning flagship newscast na 24 Oras.
Kinilala naman ang GMA Integrated News anchor na si Atom Araullo bilang Best Male News Personality.
Natanggap naman ng award-winning host na si Jessica Soho at ang programang nitong Kapuso Mo, Jessica Soho ang parangal bilang Best Public Affairs Program at Best Female News Personality.
Samantala, ang GMA Public Affairs’ long-running documentary program na I-Witness naman ang napiling Best Documentary Program, at ang mga programang Family Feud at Pepito Manaloto naman ang Best Game Show at Best TV Program.
Kinikilala ng Laurus Nobilis Media Excellence Awards ang mga namumukod-tanging indibidwal at grupo sa media at communication industry na nagkamit ng pambihirang tagumpay sa kanilang larangan. Habang ang Perpetualites’ Choice Awards ay pinararangalan ang mga programa at indibidwal na nagpapakita ng dedikasyon, pagkamalikhain at pagiging matatag sa paghubog ng kulturang Pilipino.