Hinahanapan na raw ni Art Atayde, tatay ni Congressman Arjo Atayde ng apo ang kanyang manugang na si Maine Mendoza.
Kung iisipin nga naman, dapat ay on the family way na ngayon si Maine, kaso hindi naman maikakaila na masyadong busy ang mag-asawa sa kani-kanilang career lalo na si Arjo na nanunungkulan pang congressman.
Nagtatawa lang daw si Arjo sa kantiyaw ng tatay niya at sinasabi niyang darating naman iyon in time.
Pero bagama’t matagal na ngang kasal ang dalawa, mukhang malakas pa rin ang pagtanggi ng fans sa kanilang relasyon.
Jaclyn, hindi pinigilan ang mga anak
Habang ang buong industriya ay nagluluksa sa pagpanaw ng aktres na si Jaclyn Jose, na kauna-unahang Pinay at Southeast Asian na nanalo ng best actress sa tinitingalang Cannes Film Festival, humarap naman sa media ang kanyang anak na si Andi Eigenmann, kasama ang kapatid sa amang si Gabby Eigenmann, at nagbigay ng pahayag sa kamatayan ni Jaclyn.
Kasabay noon hiniling ng kanyang anak na bigyan sila ng privacy sa panahon ng kanilang pagluluksa. Ang nakababatang anak na lalaki ni Jacklyn na si Gwen ay nasa US at nag-aaral doon.
Sinabi ni Jaclyn sa isang naunang interview hindi niya pinipigilan ang mga anak kung anong buhay ang gusto nila. Gusto ni Andi ang isang tahimik na buhay sa Siargao, go. Gusto naman ni Gwen na mag-aral sa US, go rin siya. Napakaikli ng buhay aniya at kung ano ang makapagpapasaya sa mga anak niya, hindi niya pipigilan sabi niya sa isang interview.
Nakakagulat din na sa isang interview sa kanya, sinabi niyang kung papipiliin siya sa kanyang career at sa mga anak niya, pipiliin niya ang career niya. “Ang mga anak ko may kanya-kanya nang buhay, walang naiwan sa akin kundi ang career ko,” sabi niya pa.
Bago siya pumanaw ay kasama pa siya sa seryeng Batang Quiapo.
Isa si Coco Martin na bida at director ng Batang Quiapo na nagsabing napakagaling na artista si Jaclyn at kadalasan, hindi niya maputol ang mga eksenang ginagawa noon.