Akala namin mapupurnada ang GMA dahil nawala nga ang TVJ sa Eat Bulaga at patuloy namang bumababa ang rating ng show simula noong umalis na nga ang original creators noon. Hindi lang ang ratings, bagsak na ang sales dahil ang sponsors ay umaalis para sumunod sa TVJ sa TV5.
Alam din naman ng GMA na hindi nila mapanghahawakan na nasa kanila ang original dahil sooner or later maaaring mawala na rin sa Tape Inc. ang title na Eat Bulaga, lalo ngayon at expired na ang hawak nilang trademark registration, bukod pa sa claims ni Joey de Leon ng copyright, na hindi naman maikakaila ng kahit na sino na sa kanya nga nagmula ang title na iyon.
Kung matapos man ang contract ng TAPE sa GMA, makukuha pa ba nila pabalik ang TVJ, siyempre hindi na.
Kaya nga sinasabi ng mga kritiko na apektado na ang day time ratings ng GMA 7. Pero walang kaabug-abog, kamakalawa ay biglang naglabas ng statement ng ABS-CBN, na nagpapasalamat sa ibinigay sa kanilang suporta ng chairman ng Mediaquest na si Manny Pangilinan kasabay ng announcement na ang noontime nilang palabas, It’s Showtime dahil nawalan nga ng time slot sa TV5 ay ililipat na nila sa GTV, ang second station ng GMA.
Kaya malaki ang posibilidad na oras na matapos nga ang kontrata ng Eat Bulaga, aalisin na nila iyan at ililipat na lang ang Showtime sa kanilang main free TV channel, na ibig sabihin, panalo pa rin sila at makakabangong muli ang kanilang afternoon time slot.
Ibig sabihin win-win pa rin sila. Ang lalabas lang na butata talaga ay ang mga Jalosjos. Nalugi na sila nawalan pa ng show. Lost din si Tony Tuviera, dahil sino pa ang uupa sa ipinatayo niyang studios at sa kanyang equipment kung wala na nga ang Eat Bulaga at wala na rin sa kanya ang TVJ?
Huwag naman ninyong sabihin na babalik ang TVJ sa luma nilang studio kung saan sila minalas eh ang ganda at bagung-bago ang studio ng TV5? Bakit naman magrerenta sa APT ng TV5 kung mas maganda ng studio at equipment nila kaysa roon? Sino ngayon ang lalabas na butata?
Kawawa rin sina Paolo Contis, Buboy Villar at Betong na walang nakuha sa programa kundi panlalait lang. Kumita sila ng pera pero todo lait naman ang kanilang inani.
Isa pa, ang natanggap ba nila ay milyun-milyon kagaya ng offer ng mga Jalosjos kina Allan K, Wally Bayola at Jose Manalo magpaiwan lang? O iyong alok nila kina Bayani Agbayani at Randy Santiago sumama lamang sa kanila noong panahong desperado na sila dahil bagsak na ang ratings nila at naglalayasan na ang sponsors? Palagay namin hindi, ibinigay lang sila ng Sparkle diyan.
Basta ang lahat ng nakakabit pa ngayon sa Eat Bulaga, talo na iyan, at mas makabubuti sa kanila kung umalis na sila agad kaysa sa hintayin pa nilang abutin sila ng pagsasara noon.
Pero ang talagang fiesta ngayon ang TV5, hindi lang sila magkaroon ng top rating noontime show na hindi na sila mahihirapang ibenta sa sponsors, buhay na ang buong day time programming nila dahil sa pagpasok ng legit dabarkads. Kahit na anong title pa ang gamitin nila, sa isipan ng tao Eat Bulaga pa rin iyan.
May video na namang lumabas si Alden Richards sa social media kung saan maraming nagtatanong sa kanya kung kailan siya babalik at muling mapapanood sa Eat Bulaga. Eh Butata na nga ang show eh, bakit naman babalik pa roon si Alden. Ang ending ng video nilayasan iyon ni Alden nang hindi sinasagot ng mga tanong.