Nakakatakot talagang magpalabas ng pelikula sa mga sinehan ngayon.
May local movie na ipinalabas recently sa isang mall chain.
Pero malungkot na malungkot ang kapalaran.
Sa ilang araw daw nitong pagpalabas sa selected theater sa Metro Manila, kumita lang diumano ito ng P600,000.
Yes ganun kalungkot, ‘di pa umabot ng isang milyon.
Sana nga ay magbago ang kapalaran local movies sa mga sinehan.
Ruffa, ayaw madamay sa isyu ng relos
Tumangging mag-comment ni Ruffa Gutierrez sa diumano’y bigay na relos ni Kris Aquino sa kanyang ex na nali-link ngayon kay Ruffa na itago natin sa pangalang Herbert Bautista na hindi pinalad manalo noong nakaraang May 9.
“Wala akong alam dun, ayoko, wala akong comment, di naman sa akin binigay,” mabilis na sagot ni Ruffa G. nang makasabay namin sa Bambbi Fuentes Salon kahapon ng tanghali.
Nabanggit nga kasi ni Nay Lolit Solis last Tuesday sa Take It... Take It.. Me Ganon! with Mr. Fu na sinabihan na niya ang isang malapit sa dating pulitiko na isoli na ang nasabing relos kay Kris bago pa ito bawiin ni Kris.
Diumano’y worth P3.5 million ang nasabing relos.
Wala pang latest update kay Kris sa kasalukuyan pero kumakalat sa ibang chat group na diumano’y naka-intubate ito sa kasalukuyan.
Sana nama’y hindi ito totoo.
Marami na ang nagdarasal na gumaling si Kris sa kasalukuyan niyang pinagdaraanan.
Hindi na rin nakaalis ng bansa si Kris na ilang beses naudlot kaya naman diumano’y P4 million na ang refund nito sa isang airline company.
Pagpapakilig ng Loinie trending sa social media
Sabik na sabik ang fans sa pagpapakilig nina Loisa Andalio at Ronnie Alonte matapos mag-trending sa social media ang pilot episode ng pinakabagong ABS-CBN teleserye na Love in 40 Days noong Lunes (Mayo 30).
Inaabangan na ng mga manonood ang pagsisimula ng love story nina Jane (Loisa) at Edward (Ronnie) pagkatapos nilang masaksihan ang nakakakilig na pagkikita ng dalawa nang protektahan ni Edward si Jane mula sa isang lalaki.
Ibinahagi ng netizens na bukod sa nakakakilig na mga eksena, nakaka-relate rin sila sa mga pinagdadaanang mga hamon sa buhay ng mga bida, kaya naman nag-trending sa Twitter Philippines ang #L40FirstDay.
Mapapanood ang Love in 40 Days gabi-gabi ng 10 PM sa Kapamilya Channel, A2Z, TV5, Kapamilya Online Live sa YouTube channel at Facebook page ng ABS-CBN Entertainment, at iWantTFC.