Ahh priority pala ni John Lloyd Cruz ang movie with Jasmine Curtis ayon sa isang malapit sa aktor.
Binabasa na raw nito ang script ng nasabing pelikula na wala pang tiyak na title.
Si Jasmine raw talaga ang personal choice ng actor para sa kanyang movie comeback.
Kaya matagal pa raw talaga bago magkaroon ng reunion project sina John Lloyd and Bea Alonzo.
Si Jasmine ang first guest nila John Lloyd sa sitcom nilang Happy ToGetHer sa GMA 7.
Michael V., ayaw nang mamulitika
Tanggap na ng Kapuso comedian na si Michael V. na pula ang nagwagi sa May 9 elections.
At gumawa siya ng tula tungkol dito na nag-viral at umani ng iba’t ibang reaction sa netizens.
“Kulay PULA ang nanalo. Oo, tanggap ko na ito.
“Kahit PINK ang dugo ko mananaig ang RESPETO.
“Lahat kayo na bumoto at nagluklok sa kanya sa trono
“Kayo ang boses ng Pilipino kaya mananahimik na ‘ko,” simula niya.
“Hindi politiko kundi hamak na artista.
“Larawan at tula; ‘yan lang ang hawak kong sandata.
“Wala akong ambisyon na mamulitika.
“Baka manalo lang ako, hala, naloko na!,” sabi pa ni Bitoy.
“Comedy at entertainment” hanggang do’n lang ang ambisyon.
“Hindi “puwesto sa gobyerno” kundi “time slot sa telebisyon”.
“Ito ang mundo ko sa mahigit tatlumpung taon
“At wala ‘kong dahilan na baguhin ‘yon ngayon,” pagpapatuloy niya.
“Lahat ng may gusto nito, ito mismo ang makukuha n’yo.
“Pero hindi ako bulag at dalawa ang mata ko:
“Isang mata sa bayan at isang mata sa ‘yo.
“Susundin ko ang gobyerno kahit hindi kita ‘binoto.
“Sige na, move on na. ‘Wag nang maghanap ng butas.
“Ang trabaho n’yong naiwan naghihintay pa rin ‘yan bukas.
“Ngayon alam na natin kung sino lang ang malakas,
“Mabuhay ang bagong Pangulo ng Pilipinas,” ang kabuuan ng tula.
Anyway, natanong si Michael V., kahapon sa ginanap na media conference para sa relaunch ng Bubble Gang kung ano ang secret at hindi sila pinagsasawaan samantalang ang dami ngayong platform na parang ganundin ang konsepto? “Kung anong nangyayari sa paligid, ‘yun talaga ‘yung nire-reflect nung show,” aniya. “Pero that doesn’t mean na maiiwan na ganun lang. We have our creative license para gumawa ng additional content na sasaluhin naman ng society and social media. Kumbaga para siyang circle of life.”
Hindi na rin daw sila limited sa mga nangyayari sa paligid lang, kundi nag-adopt na rin sila sa mga ganap sa social media.