Docu ng DongYan para sa mga nanay, iniyakan!

Mediacon pa lamang ng bagong sitcom ng GMA Network na Jose & Maria’s Bonggang Villa, masayang-masaya na ang Kapuso Royal Couple na sina Dingdong Dantes at Marian Rivera, kasama ang bumubuo sa cast at ang director nilang si John ‘Sweet’ Lapus. Ang sitcom ay sagot sa maraming requests ng fans and followers nina Dong at Yan na muli silang pagtambalin.

“Dream come true ito sa amin ni Yan,” pag-amin ni Dong. “Dream naming mag-asawa na muling magsama sa isang project, dahil three years pa bago kami ikasal ni Yan, ang huli naming pagtatambal, ngayon, kasal na kami at may Zia at Sixto na, natuloy na rin ang muli naming pagtatambal.”

Co-producers ang DongYan ng GMA Network at APT Entertainment, kaya natanong si Marian kung ano ang work niya bilang isang producer, ngayong nagsimula na silang mag-taping?

“As one of the produ­cers, ako ang pumipirma ng tseke, at tinatanong din kami kung sino ang gusto naming i-guest, bukod sa original cast. Pero ako, gusto ko na ang bumubuo sa family ng sitcom at bahala na sina Direk Sweet at mga writers namin sa pagpili kung sino ang tamang guests.”

Sa May 14 na mapapanood ang pilot episode ng Jose & Maria’s Bonggang Villa at 7:15 p.m. sa GMA 7, pagkatapos ng Pepito Manaloto. Papalitan nila ang Agimat ng Agila ni Bong Revilla, na grand finale na ngayong gabi, May 7.

Marian shared na twice a week sila nagti-taping (not lock-in) at sa isang araw ay nakatatapos sila ng isang episode.

Ngayong hapon naman, May 7, 2:30 p.m., pagkatapos ng Eat Bulaga sa GMA 7 ang airing ng special Mother’s Day documentary presentation ng Miss U: The Journey to the Promised Land, directed and shot ni Dingdong ang docu nang pumunta sila ng Eilat, Israel, para samahan niya si Marian na isa sa mga judge ng 2021 Miss Universe.

You can’t help but cry habang pinapanood ng invited guests ang preview ng docu, held at Dengcar Theater ng Mowelfund in Quezon City. Ibang Marian ang mapapanood ninyo during the Miss Universe presentation at nang ilahad na niya ang buhay niya, noong bata pa siya na malayo siya sa kanyang ina na dating OFW sa Spain. Isang Pinay OFW ang personal niyang na-interview habang nasa Jerusalem siya at first time ring mapapanood na nagpa-interview ang mommy niyang si Amalia Rivera on TV.

May message si Dingdong para sa lahat ng mga Nanay: “Iba ang mga Nanay: Matapang, Walang sinusukuan. Ibang klase magmahal – radikal. Inspirasyon natin sila para patuloy na maging mabuti at gumawa ng mabuti.

“Sana lahat tayo, ipagdiwang pang lalo ang mga ina. Dahil alam nating lahat na totoong dakila sila.”

Happy Mother’s Day sa lahat ng mga ina sa buong mundo!

 

 

Show comments