Dating singer-actress-host Mildred Ortega, 27 araw na-coma bago pumanaw

Mildred

Isa na namang taga-industriya ang tuluyan nang namaalam, ang dating singer-actress-host na si Mildred Ortega-Templo.

Isa sa mga stars noong late 60’s and mid-70’s, si Mildred ay binawian ng buhay noong alas-1:38 ng umaga noong nakaraang Huwebes, April 8 due to cardiac arrest matapos siyang ma-comatose sa loob ng 27 araw.

Noong Huwebes ng hapon ay nakausap ko sa telepono ang mister ni Mildred, si retired military general na si Gen. Emiliano `Mitch’ Templo na sobrang emotional sa pagpanaw ng kanyang mahal na misis. “Nakakabigla,” aniya.

They were about to eat dinner noong gabi ng March 14 nang mapansin ni GenTem (tawag namin kay Gen. Templo) na matagal na lumabas na banyo si Mildred kaya napilitan na siyang puntahan ito. Ganun na lamang ang kanyang pagkabigla na nakabulagta na ang kanyang misis at naghahabol sa kanyang paghinga. Agad niyang isinugod sa Veterans Memorial Medical Center ang misis. Kinabukasan ay agad itong naoperahan sa brain pero hindi na ito nagising until her death noong Huwebes ng early morning. Naging comatose ito sa loob ng 27 days.

Ang masaklap, never na nakitang muli ni GenTem ang kanyang misis dahil abo na ito nang iuwi sa kanilang bahay sa Acropolis subdivision in Quezon City kung saan silang dalawa lamang na mag-asawa ang nakatira dahil pareho nang may kani-kanyang pamilya ang dalawa nilang anak na sina John at ang US immigration lawyer at dating TV anchor na si Mike Templo.

Nasa peak ng kanyang showbiz career si Mildred nang siya’y magpakasal sa military official na si Gen. Emiliano `Mitch’ Templo na naging dahilan ng kanyang pagtigil sa kanyang karera. Nang magretiro si GenTem ay parati nang magkasama ang mag-asawa sa lahat ng kanilang mga lakad. 

Puring-puri ni GenTem ang kanyang misis dahil sa pananatiling simple nito sa kabila na naranasan nito ang pagiging isang sikat na showbiz personality nung ito’y aktibo pa sa showbiz.

Si Mildred ay nagsimula ng kanyang showbiz career noong late 60’s bilang isang singer at recording artist at pagiging isang actress. Ang ilan sa mga pelikulang nagawa niya ay Mekeni’s Gold, Halina Neneng Ko, Teenage Escapades, Happy Hippie Holiday, Luhat sa Bawat Awit at iba pa.

Nakapanabayan noon ni Mildred sina Nora Aunor, Tirso Cruz III, Vilma Santos, Edgar Mortiz, Hilda Koronel, Eddie Peregrina at iba pa.

Naging recording artist din noon si Mildred ng Vicor Music Corporation at Villar Records.

Habang sinusulat ko ang kolum na ito ay wala pang detalye tungkol sa planong virtual memorial service ng kanyang pamilya.

Mula sa amin dito sa Pang-Masa, ang aming taos pusong pakikiramay sa pamilyang iniwan ni Mildred.

Show comments