MANILA, Philippines — Labindalawang kanta tampok ang iba’t ibang kuwento ng mga Pilipino gamit ang musika ang mapapakinggan sa pinakamalaking songwriting competition sa bansa, ang Himig 11th Edition.
Inilunsad na ng ABS-CBN ang 12 Himig song finalists noong Biyernes na masusing napili dahil sa pabibida nito sa lakas ng OPM sa pamamagitan ng mga lirikong isinulat ng ilan sa mga sumisibol na Pinoy songwriters.
Binigyang-buhay ng Idol Philippines champion na si Zephanie ang kanta tungkol sa unrequited love na Tinadhana Sa’yo mula sa nagbabalik na Himig composer na si SJ Gandia. Ang Rise Music artist na si JMKO naman ang nagbigay boses sa Tabi Tabi Po ni Mariah Moriones na awiting nagpapahayag ng paghihintay sa inaasahang pag-ibig.
Tungkol sa isang unconditional love na binalewala ang Pahina na inawit ng Kiss N’ Tell at sinulat ng mga miyembro ng banda na sina Joshua Ortiz at Aniceto Cabahug III. Si FANA o kilala bilang Fatima Louise na naging finalist ng Idol Philippines naman ang interpreter ng Out, isang unique song na may lirikong English, Tagalog at Bicolano na tumutukoy sa mental health hatid ng composer na si Erica Sabalboro.
Isang bonggang performance ang hatid ni KZ Tandigan sa Marupok, isang dance-pop track na may tunog Pinoy at global appeal mula sa composer na si Danielle Balagtas. Si Sam Mangubat naman ang umawit ng power ballad na Kulang ang Mundo na isinulat ni Daryl Cielo.
May dalawang collaboration din ang tampok sa latest edition ng Himig. Nagsama sina Jeremy G at Kyle Echarri sa isang kwento ng pagtitiis para sa pag-ibig na may titulong Kahit na Masungit mula sa magkapatid na John Francis at Jayson Franz Pasicolan. Sanib-pwersa rin sina Moira dela Torre at ang Agsunta para sa Kahit Kunwari Man Lang, isang kanta na hango sa totoong kuwento ng ‘unlabeled relationship’ hatid ni David Mercado.
Samantala, isang tagos sa pusong rendisyon ang ibinigay ni Juris sa Ika’y Babalik Pa Ba mula kay Jabez Orara na naglalahad ng pag-asa sa pagpapabalik sa isang relasyon na nagtapos na. Ang isinulat ni Kenneth Reodica na Ang Hirap Maging Mahirap inspired ng kuwento ng mga taong nagsisikap laban sa kahirapan, ay inawit naman ni Davey Langit tampok ang rapper na si Kritiko.
May hatid na paghilom at pag-asa ang Visayan song na Bulalakaw na binigyang-buhay ni Janine Berdin tampok ang composer ng kanta na si Joanna Ang. Isang 80s-inspired electropop track naman ang inawit ni Zild na may titulong Ibang Planeta mula sa isa pang nagbabalik na composer na si Dan Tanedo na sumulat ng winning entry noong 2019 na Mabagal.
Maglalaban-laban ang 12 awitin na ito para makamit ang iba’t ibang special awards at mahirang bilang Himig Best Song.
Maririnig na ang Himig 11th Edition album isa iba’t ibang digital streaming platforms worldwide. Ang ABS-CBN Music creative director na si Jonathan Manalo ang overall producer ng album na siya ring naging champion sa Himig Handog noong 2001.