Magugulat ka naman sa mga headline nila, na “aktres nahuli ng NBI sa pagbebenta ng test kits”. Ang pumasok sa isip namin, sino namang aktres ang gagawa niyan. Actually hindi namin kilala ang sinasabi nilang Avi Siwa. Ni hindi nga namin namumukhaan. Iyon pala naging host siya ng isang gay TV show noong araw, ang Out. Tapos nakagawa yata ng dalawang indie sa Viva na “straight to video” pa. Tapos ang sabi nakapag-asawa ng isang foreigner at nagsimula ng sarili niyang online business.
Marami pala siyang iba’t ibang kumpanya na ang negosyo sa online, pero aywan kung bakit sa halip na sabihing “negosyante natimbog sa covid test kits,” ang sinabi nila ay “aktres”. Parang napakadali talagang matawag na aktres ngayon. Kaya minsan umaangal iyong mga totoong aktres.
Anyway, nahulihan siya ng mga test kits para sa Covid-19. Marami iyan sa social media. May nakita pa nga kami minsan, male star, ipinapakita pa ang kahon-kahong stocks niya ng Covid-19 test kits mula sa China. Hindi naman nila sinasabi na sila ang magsasagawa ng testing. Nagbebenta lang sila ng test kits.
Hindi naman siguro nila alam na bawal pala iyong mag-import noon, o magbenta ng nasabing test kits. Nakita lang nila ang pagkakataong makapag-negosyo. Pero ang talagang reklamo pala diyan kay Siwa kaya siya dinampot ng NBI ay dahil hindi niya nai-deliver ang binili sa kanyang sampung libong sako ng bigas na nagkakahalaga ng 4.4 milyong piso sa isang Jessielyn Fernandez, na siya talagang complainant.
Sa salita ng mga peryodista, “mukhang na-SS” na naman ang istorya para lumaki. Pero iyan ay isang simpleng paglabag lamang ng batas sa pagbebenta ng test kits, at maaaring estafa dahil sa sinasabing hindi niya nai-deliver na bigas na binayaran na sa kanya. And please, sabihin naman nating siya ay isang “negosyante” huwag naman idiing “aktres”.
John Lloyd walang hangin sa ulo
Magandang example pa rin si John Lloyd Cruz na nakita nilang nakapila sa barangay hall sa Cebu para kumuha ng travel permit para makabiyahe siya pabalik ng Maynila.
Puwede namang bumiyahe si John Lloyd pabalik ng Maynila ng walang travel permit, siguradong palulusutin siya sa mga checkpoint dahil kilala naman siya. Hindi naman siya masamang tao, alam din naman na wala siyang sakit.
Pero sa kabila noon, pinili niyang bumiyahe nang may permit. Saka hindi ba maaari na lang siyang magpa-utos doon sa barangay? Pero pinili niya ang pumila kagaya ng ibang mga tao. Iyan ang klase ng artistang isang magandang example. Hindi mayabang.