MANILA, Philippines — May bagong hatid na kaabang-abang na event ang Cinema One para sa mga mahihilig sa pelikula sa pagbabalik ng outdoor movie screening na OpenAir Cinema One, kung saan libreng mapapanood ang mga pelikulang Fantastica at Alone/Together ngayong Disyembre 7 (Sabado) sa Evoliving Grounds, Nuvali.
Siguradong masayang bonding para sa mga pamilya at magkakaibigan ang musika at mga pelikulang hatid ng Cinema One at Nuvali Night Sky Cinema mula umaga hanggang gabi bilang maagang handog ngayong Pasko.
Tumawa kasama ang pamilya habang nanonood ng Fantastica ni Vice Ganda, na tungkol sa pagsalba ng isang may-ari ng perya sa kanilang negosyo sa pamamagitan ng paghahanap sa tatlong prinsesa.
Samantala, mapapayakap naman ang mga manonood sa kanilang mga kasintahan dahil sa magaling na pagganap nina Liza Soberano at Enrique Gil sa Alone/Together, na tatalakay sa tanong na: Dapat bang balikan ang isang relasyon na matagal nang nagtapos?
Dagdag-saya rin ang hatid ng host na si KaladKaren pati na ng bandang UDD na aawit ng mga walang-kupas nilang kanta gaya ng Oo, Tadhana at Kapit, na theme song ng pelikulang Alone/Together.