Sana naman, makapag-isip ang magkakapatid na Barretto at itigil na ang kanilang alitan at paglalantad ng baho ng isa’t isa sa publiko, na tiyak pagsisisihan nila pagdating ng araw. Siguro dapat na mamagitan ang iba, maliban kung may dinadala rin silang galit, para matigil na iyan.
Nagbabanta si Marjorie na oras na ma-icremate na ang kanilang ama, ilalabas na niya ang sinasabi niyang “totoo” tungkol sa kanyang mga kapatid. Mayroon nang nasasangkot na ibang mga pangalan sa palitan nila nang salita. Gumanti rin si Gretchen sa pagbubulgar ng ilang mga bagay din laban kay Marjorie at sa anak na si Julia.
Hindi naman dating ganyan ang kanilang relasyon. Noong araw, sinasabi nga ni Gretchen, ang lahat ng kinikita niya ay para sa pamilya nila at sa pag-aaral ng kanyang mga kapatid. Hindi rin kasi maganda ang income ng pamilya nila noon. Kung iisipin, dahil diyan ang buong pamilya ay may utang na loob kay Gretchen na nagsikap sa edad na 13, para maging modelo at artista para suportahan ang pamilya
Ganoon din naman ang ginawa ni Claudine, na nang sumikat ay siyang nagtustos sa kanyang mga magulang at tumulong kay Marjorie sa pagpapalaki sa kanyang mga anak. May utang na loob din naman sila kay Claudine.
Kaya nga hindi namin maintindihan kung bakit kailangang umabot sa ganyan ang dati naman ay napakagandang pagsasamahan ng kanilang pamilya.
Bakit din parang lumalabas na minasama pa ng ilang miyembro ng kanilang pamilya ang pakikiramay ng presidente na sinasabi nilang binalak ni Claudine, pati na ang pagdating ng kapatid nilang si Gretchen? Hindi ba karangalan din naman nilang lahat na nakiramay sa kanila ang pangulo?
Hindi ba nakakatuwa na makakasundo na sana nila si Gretchen?
Singer na pinagdamot noon sa international producer, papalaos na
Aywan nga ba kung kailan kami huling naka-attend ng isang birthday party, pero noong isang gabi, hindi namin natanggihan ang birthday party ng aming kaibigang singer na si Richard Reynoso. Maliit lang at very private ang party. Ang mga bisita ay mga kaibigan lang ng kanilang pamilya. Magkakakilala ang lahat. Walang showbiz eh.
Pero inabot kami nang halos ala-una ng madaling araw dahil sa mga kuwentuhang puro naman off the record, at kung lalabas maraming iskandalo iyon.
Lumitaw pati kung papaanong itinago ng isang talent manager ang kanyang singer sa isang grupo ng mga international producers na humahanap roon para maging star sa isang international musical. Iba tuloy ang nakuha at siyang sumikat. Iyong singer, nalalaos na ngayon.
Aktor walang natutunan sa private workshop kay Direk
“Sayang ang male star na iyan. Pogi pa naman pero hindi pala marunong umarte talaga. May coach na nagtuturo sa kanya ng lahat ng ikikilos at kung papaano sasabihin ang linya niya. Hindi puwedeng iyong director lang dahil lalong tatagal ang trabaho,” sabi ng isang actor na kasama rin ni pogi sa isang serye.
Kaya pala nagtagal bago siya nabigyan ulit ng assignment. Nagkataon na lang daw na napapirma ng kontrata ng network kaya kailangan siyang pagtiyagaan.
“Talagang pa-pogi lang siya, pero walang katalent-talent talaga” sabi pa nila.
Ay naku sayang na sayang. Hindi natuto sa “private workshop” ni direk sa kotse.