Bumabaha kahapon sa social media ng promo ng pagdating sa bansa ng oppa na si Park Bo-gum para sa kanyang fan meeting na naudlot nung minsan dahil sa lindol. Gaganapin yun sa June 22 sa MOA Arena.
Hindi mura ang ticket ng mga fan meeting ng mga Korean stars na kinababaliwan ng maraming Pinoy fans.
Iba-iba ang rate. Pag may photo-op at high touch, mas mahal pa.
Ito ay habang ang ibang artista natin ay pa-bargain nang pa-bargain ang mga talent fee at pang-digital na lang ang career.
Sunud-sunod ang mga oppa na dumarating sa bansa para sa fan meeting na ibig sabihin ay malaki rin ang nagiging investment ng Pinoy fans sa Korean stars.
Manoy iniiwas na sa complications
Tuloy ang pagdarasal kay Manoy Eddie Garcia.
Kahapon din ay trending na naman sa Twitter ang pangalan niya dahil sa inilabas na latest bulletin ng Makati Medical Center na nakaasa pa rin sa ventilator at gamot ang beteranong aktor.
Kinausap din ng mga doktor ang pamilya nito na limitahan muna ang mga bisita para makaiwas sa complications.
Nauna na ngang naisulat namin na hindi muna mag-e-entertain ng mga alok na recognition / award ang pamilya ng aktor habang nakikipaglaban pa ito sa buhay matapos maaksidente sa taping two Saturdays ago.
Heard na may mga tumatawag kasi kay Ms. Lilibeth Romero na pararangalang National Artist ang 90-year old actor.