Eddys Awards napagsama sa nominasyon ang mga kumita at may kalidad na pelikula!

Nakita na namin ang nominees para sa The Eddys, ang taunang awards na ibinibigay ng lehitimong editors ng mga lehitimong diyaryo lamang.

Ito na ang ikatlong taon na magbibigay sila ng awards, at nakakatuwang isipin, wala pa kaming naririnig na anomalya sa awards nila.

Sa tingin namin maganda naman ang kanilang choices, bagama’t ayaw naming magbigay ng anumang opinion tungkol sa kanilang nominees. Aminado naman kasi kami na hindi namin napanood iyong ibang mga pelikulang nominated sa kanila. Pero doon sa mga napanood namin, na inakala naming maganda, nominated naman lahat.

Nakita nila iyong sa palagay namin ay maganda, sa palagay ng maraming tao ay maganda rin dahil kumita ang mga pelikulang iyon at pinanood ng mga tao, pero napagtiyagaan din nilang panoorin kahit na iyong mga hindi kumita at nakita naman nilang maganda rin iyon. Kagaya nga ng sinasabi namin, madalas iba ang choices ng mga kritiko ng pelikula, kesa doon sa gusto ng masa. Kami kasi kabilang kami doon sa masa, kaya ang mga nagugustuhan namin iyong pelikulang mas pinanonood ng marami.

May mga napanood din naman kami na hindi hit, at nangulila rin kami habang nanonood sa loob ng sinehan dahil walang tao. Iyan iyong sinilip lang namin para makita, pero wala talaga eh.

Hindi natin masasabi kung sino ang mananalo. Kung mapipili nila ay popular choices, sigurado ang award nila ay pag-uusapan ng mga tao at sasabihin nila na tama ang kanilang desisyon. Kung magiging choices naman nila ay hindi sikat, hindi maiiwasang may magtanong kung bakit. Pero walang makakapag-kuwestiyon dahil iyon ang napili nila at kanila ang award.

Kahit na nga iyong mga hayagan ang corruption sa awards, hindi namin kinukuwestiyon ang nananalo. Aba eh kung ang nasa criteria eh kailangang maglagay talaga ang nominees para nila papanalunin eh, sino nga ba ang may pakialam eh award naman nila iyon? ‘Di huwag na lang ninyong paniwalaan lalo na kung alam naman ninyong talamak na ang lagayan.

Moira masyado nang pine-personal!

Alam ninyo palagay ko dapat tapusin na ang usapan. Masyado nang kung anu-ano ang sinasabi nila tungkol kay Moira dela Torre. Nilalait pati na ang pagiging judge niya sa isang contest sa TV. Nilalait iyong kanyang nabibitiwang opinion.

Aba, maski na ano ang sabihin ninyo, sikat iyang si Moira ngayon. Nabibili ang kanyang recordings at mapapansin ninyo, siya ang ginagaya ng mga mahihilig kumanta sa music bars. Mangyayari lang iyon kung sikat ka.

Hindi siguro maintindihan ng iba, na sila birit nang lahat ang kanta, pero mukhang nasasapawan sila ni Moira na kung kumanta “pabebe lang”. Aba ‘di walang problema, magpabebe din sila sa kanta.

Kami, gusto namin ang pagpapabebe ni Moira kahit na mataba siya.

Equipment ng GMA-7 na milyon ang halaga, ‘di masyadong nagamit sa election coverage?

Sabi sa isang survey, iyon daw election coverage ng GMA-7 ay nag-rate ng mas mataas kumpara sa ABS-CBN, pero ito ang observation namin ha, hindi namin nakita sa kanilang election coverage kung papaano ginamit iyong sinasabing bago nilang mga equipment sa studio na umabot ng kung ilang milyon ang gastos. Parang pareho lang din. Isa pa, sa palagay namin, lalo na noong election day, mas comprehensive, at mas mabilis ang coverage ng DZBB at NewsTV kaysa sa GMA-7.

Iyon lang!

Show comments