Halik, Pangako… napapanood na sa Tanzania at Dominican Republic
MANILA, Philippines — Patuloy na tinatangkilik ang Kapamilya teleseryes na Halik at Pangako Sa’Yo abroad dahil umeere na ang dalawa sa pinakapinanood na teleserye ng ABS-CBN sa Tanzania at Dominican Republic.
Umeere ang katatapos lang na top-rating serye na Halik sa Tanzania simula noong Pebrero matapos magkaroon ng deal ang ABS-CBN at ang African multimedia company na Azam Media.
Samantala, ang 2015 remake naman ng Pangako Sa’Yo na pinagbidahan nina Daniel Padilla at Kathryn Bernardo ay ang unang Philippine TV drama na napapanood sa Dominican Republic simula noong Marso sa Color Vision Canal 9.
Dahil sa pamamayagpag ng dalawang teleserye abroad, patuloy na lumalawak ang naabot na mga bansa ng ABS-CBN, na nakapagtala na ng 40,000 hours of content na naibenta worldwide.
Maraming fans ang nabihag ng dalawang Kapamilya teleserye dahil sa kapana-panabik nitong kuwento.
Naging mainit ang suporta sa Halik hanggang sa matapos ito noong Abril. Nakapagtala ang programa ng average audience share na 25% noong nakaraang buwan at naging trending ang finale episode nito.
Samantala, hawak pa rin ng Pangako Sa ‘Yo ang titulo bilang Philippine drama series na napanood sa 16 na bansa. Ito rin ang natatanging internationally adapted Filipino drama na may format buys sa Asia at Latin America.
Misis na namutol ng ari ni mister, tampok sa Magpakailanman
Ang isang misis ay mapagmahal sa kanyang mister at sadyang matiisin sa mga kasalanan nito pero paano kung ang pambababae at paulit-ulit na pang-aabuso ni mister ang magtulak kay misis para putulan ng ari nito?
Ngayong Sabado sa Magpakailanman, panoorin natin ang totoong kuwento ni Eva - isang misis na hindi na nakapagtiis at pinutulan na ng kaligayahan ang kanyang asawang si Ace.
Na-love at first sight si Eva kay Ace. Napaka-amo kasi ng mukha nito, matulungin at lagi pa s’yang inuunawa. Kaya nang alukin s’ya ni Ace ng kasal, pumayag siya agad.
Pero natuklasan ni Eva na may sikreto pala si Ace, may naging babae pala ito at may naanakan pa. Sinugod ni Eva sina Ace at ang kabit nito pero siya pa ang nasaktan. Naisip ni Eva na iwanan na si Ace at isama ang mga anak nila pero pinayuhan siya ng kanyang mga magulang na ipaglaban ang kanyang karapatan bilang asawa. Napagtanto ni Eva na ayaw din naman niyang lumaki nang walang ama ang mga bata at hindi maganda na maging broken family sila. Muling pinatawad ni Eva si Ace at nagsama sila.
Kaso, nawalan ng tiwala si Eva kay Ace lalo na at lagi itong naglalasing at umuuwi ng gabi. Naghinala s’ya na nambababae na naman ito. Nang kumprontahin siya ni Ace ay binugbog pa siya nito.
Dito na nagsimula ang pang-aabusong pisikal ni Ace kay Eva.
Naging lason sa isip ni Eva ang madalas na panlalait at pambabastos ni Ace sa kanyang pagkatao. Pinipilit na rin s’ya ni Ace na makipagtalik kahit ayaw n’ya.
Hanggang sa isang araw, hindi na kinaya ni Eva ang mga pang-aabuso ni Ace. Bumili siya ng kutsilyo at pinutol ang ari nito! Sa takot ni Eva sa asawa, iniwan n’ya itong duguan at tumakas siya! Laking pagsisisi ni Eva pero nagawa na n’ya ang krimen. Ano ang mangyayari sa pamilya ni Eva ngayong nagtatago s’ya sa batas? Mabuhay pa kaya si Ace? Muli pa kayang magkapatawaran ang mag-asawa o tuluyan na bang makukulong si Eva at masisira ang kanilang pamilya?
Itinatampok si Angelika Dela Cruz sa kanyang natatanging pagganap bilang Eva; ang mga Kapuso stars na sina Krystal Reyes bilang batang Eva, Emilio Garcia bilang Ace, Jade Lopez bilang Khaye at Melbelline Caluag bilang Kristine.
Sa ilalim ng mahusay na direksyon ni Jorron Monroy, mula sa pananaliksik at panulat ni Karen P. Lustica.
- Latest