Iginiit ni direk Laurice Guillen na bagama’t totoo na naging basehan ng kanyang pelikulang Man and Wife ang longest running radio drama in history, ang Gulong ng Palad ni Lina Flor, ang pelikula raw ay hindi isang remake. Ibig sabihin iba na ang kuwento ng pelikula.
Bida pa rin sina Carding at Luisa, na ginampanan naman ngayon nina Gabby Concepcion at Jodi Sta.Maria, naroroon pa rin si Idad, si Peping na sa kuwento ngayon ay malaki na, at lahat ng ibang characters ng Gulong ng Palad pero ang na-retain lamang ay ang mga pangalan ng characters.
Ganoon din naman ang tema. Tungkol iyon sa pagmamahalan ng mag-asawa. Ang problema nila, mula sa isang mayamang pamilya ang lalaki, at mahirap naman ang pamilya ng babae. Social status ang conflict sa istorya, kagaya rin noong original pero iba na ang kuwento.
Bakit kailangang ibahin ang kuwento?
Iyong istorya ng Gulong ng Palad, alam na alam na ng mga tao eh. Bukod sa napakahabang panahon na tumakbo ‘yan noong araw sa dzRH, isinerye na rin iyan sa tsa RPN 9 noon, na ang bida ay sina Marianne dela Riva at Ronald Corveau.
Pagkatapos inulit pa iyan ng ABS-CBN na iba naman ang mga artista, bagama’t hindi na nga naging ganoon kalakas ang tv remake.
Ngayon pelikula na ang ginawa nila, gagawa pa ba sila ng remake? Siyempre ang kuwento ay gagawin mo nang mas napapanahon. At kung natatandaan namin nang tama, originally gusto sana nilang ipasok iyan sa Metro Manila Film Festival, hindi naman yata sila umabot sa deadline dahil may mga eksena pa nga silang binago para mas mapaganda ang pelikula. Siyempre maghihintay pa sila ng isang magandang playdate kaya ngayon lang ilalabas.
Palagay naman namin kikita ang pelikula, kasi by that time, natapos na ang pagkabaliw ng mga tao sa isang foreign action film.
Goma pinagtatawanan na lang ang mga naninira kay Lucy
Masaya si Ormoc Mayor Richard Gomez, siya pa mismo ang naunang naglabas ng desisyon ng COMELEC na ang inihain ng isang grupo para sa disqualification ng kanyang misis na si Congresswoman Lucy Torres Gomez ay dinismiss ng poll body at sinabing walang batayan.
Ito na ang third term ni Lucy bilang congresswoman, may duda pa ba naman kayo sa kanyang qualification? Ang punto nga kasi riyan, dahil sa kanyang record sa house, at sa mga nagawa niya sa Ormoc, napakahirap talunin si Lucy sa isang eleksiyon. Matatalo lang si Lucy kung makagagawa sila ng paraan para ma-disqualify siya, o kaya hindi gumana ang mga voting machines.
Kaya nang lumabas ang desisyon, natatawa na lang si Mayor Goma.
Sex Video ng model-aktor, may ebidensiyang resibo
Grabe naman pala ang deal. Ang gusto ng isang actor-model, padalhan muna siya ng pera sa pamamagitan ng isang money transfer company, at pagkatapos ay makikipag-chat siya sa nagpadala ng pera at makikipag-sex online siya.
Kaso nautakan siya ng isa niyang naka-chat. Nai-record ang kanyang ginagawa online, at iyon ang dahilan ng kumakalat niyang sex video.
Tapos ngayon siyempre ikakaila niya na siya nga ang nasa sex video, papaano mo nga idi-deny eh napakaliwanag ng sinasabing sex video at ano mang tingin ang gawin mo ay mukha niya ang naroroon. Iyon namang bading, nakahanda pang ipakita ang resibo ng money exchange.