Girlfriend ni Brian Velasco, ayaw makarinig ng kwento tungkol sa burol ng BF

Madamdamin ang posts ni Portia Carlos sa kanyang social media accounts. Sa isang naunang post, sinabi niyang “ngayon nadarama ko ang sakit, na ok lang, dahil ngayon nakawala ka na sa sakit na iyong nararamdaman”.

 

Si Portia ang girlfriend ni drummer na si Brian Velasco, na noong Miyerkules ng umaga ay tu­malon sa kanyang kamatayan sa kanyang condo sa Vito Cruz, Maynila.

Sa isa pa niyang post, nakiusap si Portia sa mga tao na tigilan na ang pagkakalat ng nai-record na video ng ginawang pagtapos ni Brian sa kanyang buhay, dahil ayaw niya iyong makita, ni marinig kung anuman ang nilalaman noon. Maging ang mga pictures daw nilang dalawa ay ayaw na muna niyang makita, at sinasabi nga niyang babalikan niyang lahat iyon kung kaya na niya.

Talagang naging napakasakit para kay Portia ng nangyaring iyon sa buhay ni Brian, pero sinabi rin niyang hindi niya sinisisi ang boyfriend. Wala naman siyang sinabing anumang nalalaman niyang dahilan ng depression noon.

Ilang panahon na rin naman ang relasyon nilang dalawa, at sinasabi ngang napakaganda ng kanilang pagsasamahan. Ganoon pa man, hindi naisip ni Portia na aabot sa ganoon ang depression ni Brian. Base sa kanyang mga post, nakakapag-usap naman sila at masaya naman sila nitong mga nakaraang araw.

Nakikiusap rin siya maski na sa nagtutungo sa burol ni Brian na huwag na muna siyang kuwentuhan tungkol sa pangyayari. Tanggap naman niya ang lahat, ayaw na lang niyang marinig ang anumang kuwento pa tungkol sa bagay na iyon.

Sa mga sinabi niya, siguro nga masasabi nating naging napakasakit para kay Portia ang pagkawalang iyon ni Brian.

Kahit nagpetisyon para maging ‘Pinoy! Tony nanganganib pa ring ma-deport

Ngayon nagpetisyon na si Tony Labrusca na kilalanin siya bilang isang Filipino. Sa ilalim ng ating batas ay puwede iyon dahil ang kanyang amang si Boom Labrusca ay isang Filipino, at isa ring dating Filipino naman ang kanyang inang si Agnes Jones, na ngayon ay American citizen na.

Iyan ang nakikitang depensa ngayon ni Tony Labrusca matapos ang problema niya sa immigrations nang siya ay makipagsagutan sa mga opisyal noon, at sa pagta-trabaho niya sa Pilipinas kahit na wala siyang working permit. Siya ay isang US citizen sa ngayon. Sinusunod sa US ang prinsipyong “jus soli” at dahil sa US siya ipinanganak, Kano siya. Dito naman sa atin, ang sinusunod nating prinsipyo sa citizenship ay “jus sanguinis”, ibig sabihin kung ang magulang ay Filipino, saan ka man ipinanganak ay Filipino ka. Sa kaso ni Labrusca na hindi na rin Pinoy ang nanay, makakapili siya.

Pero iyong petisyon niya, pag-aaralan pa ng Bureau of Immigrations, kung irerekomenda nila sa Department of Justice na siyang gagawa ng deklarasyon kung siya ba ay pinoy o hindi. Sa pag-aaral na iyan ay haharapin niya ang katotohanan na may rekomendasyon ang legal department ng BI na siya ay i-deport dahil sa naunang paglabag ng ating mga batas, dahil siya ay nagtrabaho ng walang working permit.

Pangungutang ng pera, uso na sa mga millennial

Sabi ng isang behaviour expert, nauuso raw talaga sa millennials, lalo na sa mga lalaki, na umuutang o nanghihingi ng pera sa mga taong alam nilang may interest sa kanila, at ginagawa nila iyon sa pamamagitan ng internet at money transfers. Aba uso na pala talaga ang gold diggers.

 

Show comments