“Hindi mo maiiwasan iyong may lalapit sa iyo mayroong may sakit. Mayroong hindi na mapag-aral ang kanilang mga anak. Mayroong sinasabing mga nasisira nang mga eskuwelahan. May nangangailangan ng livelihood assistance. Lahat ng problema ilalapit sa iyo na parang ikaw lang ang nakikitang solusyon.
“Pero ako kasi iba ang tingin ko riyan eh. Kung may malalapitan ‘yang kamag-anak, hindi naman lalapit iyan sa iyo. Talaga lang hirap kaya ginagawan ko ng paraan iyan para matulungan. Iyon ang dahilan kung bakit kung minsan nagpapaalam ako sa mga tao, hoy gagawa muna ako ng pelikula. Kasi kailangan ko ng dagdag na pondo. Kung gumagawa ako ng pelikula, napagbigyan ko ang hilig ko dahil talaga namang artista ako, at the same time nakakakuha naman ako ng perang maipantutulong o maidadagdag sa gastos kung kailangan,” ang mahabang simula ng kuwento ni Congresswoman Vilma Santos.
“Kaya nga sabi ko, siguro pagkatapos nitong trabaho kong hinaharap ngayon, actually hindi na para sa akin eh kung di para sa pagkakaisa naming lahat sa Batangas, gagawa ako ng pelikula. Una, kailangan ko namang pagbigyan ang mga Vilmanians. Iyong iba nagtatampo na. At saka nakakatuwa kasi sila iyong mga taong gustong manood ng sine, may pampanood naman, pero ayaw nila kung hindi pelikula ko. Gagawa naman ako ng pelikula, at saka aaminin ko kailangan ko rin kasi ng additional funds para sa ibang gusto kong gawin dito sa Batangas. Alam mo sa Lipa lang naman ako, pero hindi ko matatalikuran iyong iba pang mga bayan ng Batangas na siyam na taon ko rin namang nakasama, at saka mga kaibigan ko rin naman sila.
“At saka hindi lang naman sa Batangas, iyong mga Vilmanians, may matatanda na rin naman diyan. Mayroon na ring mga may sakit. Ang sabi ko nga magtayo sila ng foundation, tapos siguro sila-sila mag-ambagan, tutulong din naman ako. Para kung may biglang kailangan ang sino man sa kanila may magagawang tulong agad. Malaki ang utang na loob ko sa mga Vilmanians. Iyan ang mga kasama ko bata pa ako, at iyan ang hindi ko maaaring pabayaan,” tuluy-tuloy na kuwento pa ni Ate Vi.
“Iyong TV, may standing offer pa rin naman, pero sabi ko nga baka hindi ko na kayanin ang kagaya noong dati. Noon kasi halos three days a week para lang sa isang show. Ngayon wala na akong ganoong time. Kung hindi rin naman ganoong show, baka wala rin dahil iyon ang hinahanap ng fans,” ang nangingiti pang sabi ni Ate Vi.
Alona makulay ang naging showbiz career
Nagulat din kami nang mabalitaan naming namatay na ang aktres na si Alona Alegre dahil sa heart attack noong Linggo ng madaling araw. Naalala lang namin, si Alona ang aming kauna-unahang nainterbyu sa showbiz. Pinuntahan pa namin siya noon sa bahay niya sa Mariposa Loop na malapit sa LVN.
Wala na kaming narinig na balita noong hindi na siya masyadong aktibo sa showbusiness. Basta ang natatandaan namin, nakasama siya ng isang grupo ng Marcos loyalists noon. Noong mawala na rin ang kapatid niyang si Mina Aragon, lalo kaming nawalan ng balita kay Alona, hanggang sa marinig nga namin ang malungkot na balitang pumanaw na siya noong Linggo.
Sikat na artista si Alona noong araw. Bida iyan sa maraming pelikula. Naging leading lady rin siya ni Fernando Poe, Jr.
Pero naging masyado siyang kontrobersiyal noong panahong ginawa nila ang pelikulang Uhaw na Bulaklak 2, na naging dahilan para balasahin ang noon ay Board of Censors for Motion Pictures. Na-link din si Alona noon sa sikat na basketball player na naging artista rin, si Atoy Co.
Marami rin kaming kuwento tungkol kay Alona, pero masyado nang hahaba ang usapan nating ito.
Ipanalangin na lang po natin ang kanyang kaluluwa, dahil minsan nagbigay siya ng kasiyahan sa publiko dahil sa kanyang mga ginawang pelikula.