Yolanda survivors, may hatid na mga kwento ng pag-asa

MANILA, Philippines — Limang taon pagkatapos ng Bagyong Yolanda, pito sa mga nakaligtas dito ang nagkwento kung paano nila tinulungang bumangon ang kani-kanilang komunidad sa isang music video na inilabas ng ABS-CBN Lingkod Kapamilya Foundation, Inc. (ALKFI).

Sa Facebook ipinost ng ALKFI ang music video, tampok ang awiting Pagkat Nariyan Ka ng Star Music artist na si Sam Mangubat, noong Nobyembre 8, ang anibersaryo ng pananalasa ng Bagyong Yolanda.

Dito nagkwento ang mga survivor na naging bahagi ng iba’t ibang programang nakatulong upang makabangon ang kanilang mga kababayan mula sa trahedya.

Si Imelda Padrigano ng Eastern Samar, nagtayo ng bakery para mabigyan ng trabaho ang mga kababayan niya, samantalang ang 70 taong gulang na si Fidelina Villagracia ng Sta. Rita, Samar ay patuloy sa pagsisilbing tour guide sa kanilang lugar. Si Rotchie Castil ng Sabang, Daguitan naman, pinagaralan ang social media para mapasikat ang kanilang bayan, at si Imelda Eusebio ng Dagami, Leyte ay tumutulong sa pagkakaroon ng tubig sa kanilang komunidad.

Ang midwife na si Fe Bantique ng Jiabong, Samar, tatlong oras naglalakad papunta at pauwi ng trabaho bago nakapagpagawa ng mga health center sa malalayong barangay. Si Susan Austero naman ay isa sa mga nagbenepisyo sa educational programs. Samantalang si Susan Cadaro naman ay isang evacuee na nag-volunteer para maglingkod sa kapwa evacuee.

Nilahad ng pitong Yolanda survivor ang kanilang mga kwentong may dalang pag-asa at inspirasyon sa video, kung saan ipinakita rin ang mga nagawa ng ALKFI sa pamamagitan ng Operation Sagip (dating Sagip Kapamilya) upang tulungan ang mga nasalanta ng Yolanda.

Ayon sa ALKFI, aabot sa 3.6 milyong survivor ang nabigyan ng agarang relief assistance; 425 katao ang nagbenepisyo sa mga ipinagawang water facility sa Dagami, Leyte at; 9,994 na mga pamilya ang na­kinabang sa building Barangay Health Units at health facilities sa Jiabong at Hinabangan sa Samar, at Jaro at San Miguel sa Leyte.

Nagkaisa rin ang Operation Sagip at Energy Development Corporation sa pagtayo ng multi-purpose classrooms na maaaring gamiting evacuation centers tuwing may kalamidad. Gamit ang libreng disenyo at serbisyong ibinigay ng Cosculluela Architects, Casas Architects at Sy 2 Engineers, 135 classrooms na hindi matitibag ng malalakas na hangin at paglindol ang ginawa sa Palawan, Leyte, Iloilo, at  Samar. Samantala, 52,246 na mag-aaral at 1,946 na mga guro rin ang natuto sa mga educational soft program at senior high equipment mula sa ALKFI.

Mahigit 45,000 naman ang nabigyan ng pagkakakitaan sa tulong ng livelihood programs ng Bantay Kalikasan ng ALKFI na namigay ng mga bangka, nagpondo para sa mga taga-habi sa Basey, Samar, at nagpalago sa mga ecotourism site tulad ng San Jose Skimboarding Camp, Sohoton Cave sa Basey Samar, Tangke Lagoon at Bancal Fish Sanctuary sa Carles Iloilo.

Apat pang proyekto ang ilulunsad ng ABS-CBN Lingkod Kapamilya na magbebenepisyo sa mahigit 24,000 na tao. Ito ang mga multi-purpose na gusaling kakayanin ang bagyo at kalamidad na itatayo sa Ormoc; Tacloban, Leyte; Guiuan, Eastern Samar; at Concepcion, Iloilo.

Ang lahat ng ito ay pinondohan ng mahigit P1 bilyong donasyong nakalap mula sa iba’t ibang kompanya, organisasyon, at indibidwal pagkahupa ng bagyong Yolanda.

Show comments