Hindi lang mga babae
Matindi ang kuwentong pinasabog ng beauty queen na si Bea Rose Santiago, na naging Miss International noong 2013. Inilabas niya na noong panahong iyon na nabastos din siya ng isang CEO ng ilang malalaking kumpanya na sponsor ng kanilang local pageant. Binastos din daw siya ng isang male pageant winner. Ang pinakamatindi binastos din daw siya ng isang pari mula sa Masbate.
Para po sa isang Katoliko kagaya namin, mas matinding akusasyon iyong sinasabi ni Bea na binastos siya ng isang pari, na sinasabi niyang pari pa rin hanggang ngayon sa lalawigan ng Masbate. Hindi po namin alam kung ano ang reaksiyon ni Bishop Jose Bantolo ng Diocese of Masbate sa sinabing iyan ni Bea, pero palagay po namin dapat magkaroon ng imbestigasyon.
Hindi maliwanag sa amin kung ang ibig sabihin ni Bea ay binastos lamang siya ng sinasabi niyang pari o hinalay. Ganoon pa man dapat magkaroon ng imbestigasyon.
Kagaya rin niyang mga beauty pageants, kailangan talagang imbestigahan ang mga nangyayaring ganyan. Kailangan imbestigahan na rin ang mga usapang may mga match makers diyan na “naghahatid ng mga candidates sa sponsors”. Hindi lamang sa mga female beauty pageant iyan. Lumalabas ngayon na maski na sa mga male pageants may ganyan din. May tsismis pa nga na isang contestant sa isang male pageant ang diumano ay hinalay daw ng isang executive ng isang TV network.
Kung hindi magkakaroon ng imbestigasyon at mananatili na lang tayong tahimik sa mga ganyang bagay, babagsak ang mga beauty pageants na ganyan.
Una matatakot nang sumali ang matitinong babae. Pangalawa posibleng mapag-isipan nang masama ang sino mang mananalo.
Pero matindi pa rin po sa amin ang sinabi niya tungkol sa isang pari sa Diocese ng Masbate. Sana po mas maging maliwanag iyon dahil kung hindi madadamay ang iba pang mga pari na gumagawa naman nang mahusay sa kanilang tungkulin.
Maine at Arjo hindi kasalanan kung magka-relasyon
Hindi lang iyong sinasabing trip sa Bali, ngayon may mga lumalabas pang pictures ni Maine Mendoza kasama si Artjo Atayde sa Halloween party sa The Brewery. Ewan kung sino sa kakilala nila ang gumawa noon, pero may nag-post ng kanilang mga picture na magkasama sa nasabing watering hole.
Palagay naman namin ay hindi dapat gawing issue iyon, o maging ang kanilang pagkakabilang sa magkalabang network. Ano ba ang kinalaman ng network sa personal nilang buhay? Marami rin namang mga mga artistang magkakaibigan kahit na hindi sila magkasama sa isang network. Mayroon pa nga eh, mag-nanay, kagaya nina Teresa Loyzaga at ang anak niyang si Diego Loyzaga na nasa magkalabang network. Eh kung nasaan ba ang trabaho nila eh di doon sila.
Ngayon ano ang masama kung nakipag-date si Maine kay Arjo? Mayroon bang dapat na maapektuhan sa date na iyon?
Jessica sobrang sikat kaya suki sa mga spoof!
Ini-spoof na naman daw sa isang show si Jessica Soho. Aba hindi siya dapat magalit. Ang spoof ang sinasabi ngang “highest form of appreciation”. Sikat kasi si Jessica. Peabody awardee iyan. Kung iyan ba ay kahit na sino lang, gagamitin ba siya sa spoof?
Sino ang magiging interesado sa kanya kung hindi siya sikat. In doing so, sinasabi nilang sikat talaga si Jessica kaysa sa kanila.