Nagbabalik na si Congressman Monsour del Rosario bilang isang actor. Gagampanan niya ang role ng isang martial arts master, na siyang magtuturo sa isang baguhan, pero iyon ay isang English film, ang Trigonal.
“Kasi aminin natin na napakaliit ng market ng pelikula sa Pilipinas, mapipirata pa. Eh kasi ang target namin sa pelikula namin ay China, at saka iba pang Asian countries, bukod pa sa US. Eh sa China lang ilang bilyon ang tao. Kaya mas malaki ang market ng pelikula doon,” sabi ni Monsour.
Pero ang pinakakaulit-ulit nilang maikling kuwentuhan lamang dahil si Mon nga ay kailangang magpunta sa Malacañang kasama ang mga atleta nating haharap sa presidente matapos na manalo sa Asian Games, humaba nang humaba dahil sa hindi matapos na kuwento tungkol sa nakaraan.
Lahat kasi ng mga dumating na reporters ay mga kakilala niya from the start. Mukhang sinadya nga yata na ang lahat ng naroroon ay iyong mga nakasama niya nung araw. Nang nagkakakuwentuhan na nga, luamabas pa pati iyong mga reporter na inaway niya noong araw dahil sa kanyang naging girlfriend, pero ngayon naman ay magkakasundo na lahat.
“Bata pa naman ako noon, mga 24 lang yata. Mga thirty years ago na iyon,” ang natatawang pag-amin ni Monsour.
Lumabas pa nga ‘yung isang insidente na may isang sikat na artistang lalaki na sinakal niya eh, dahil sa mga personal na problema. Maski na ‘yung mga reporter naman maraming kuwento tungkol kay Mon na ngayon ay napagtatawanan nang lahat. Isipin mo nga naman, thirty years ago na nangyari ang mga iyon.
Isa kami sa mga unang nakilala ni Mon, dahil nung nagsimula siyang pumasok sa showbusiness, ang naging manager niya ay ang matalik naming kaibigang si Bibsy Carballo. Natawa nga kami at naaalala pa pala ni Mon kung papaano namin siya inaawat basta umiinit na ang ulo niya at may nasasabi na siyang wala sa ayos. Kasi si Mon, kahit na artista na nga siya, wala siyang pakialam kung ano man ang sabihin ng iba, basta ang sinasabi niya ay kung ano ang totoo. Pero napakabait na tao talaga niyan, at hindi yumabang.
Sabi nga niya, kung titingnan daw ang kanyang filmography, maski siya nagugulat na umabot pala sa mahigit na 70 ang nagawa niyang pelikula noong araw. Natigil lang siya nang kumaunti na rin ang action movies, “kasi masyadong magastos gumawa ng action film”.
Kasabay pa ng kanyang pagiging artista ang sports. Si Mon ay world champion sa taekwondo noong kanyang panahon, at hanggang ngayon siya ang secretary general ng taekwondo association dito sa ating bansa. Bukod pa sa kasama siya sa Olympic Committee.