Tinawanan lang ni Ynez Veneracion ang Brunei-based businesswoman na si Kathelyn Dupaya sa sinabi nitong idedemanda siya ng libel at iba pang artista sa Jolo, Sulu.
“Nabalitaan ko nga po na magkakaso raw siya sa akin ng libel,” pahayag ni Ynez sa joint presscon nila ni Joel Cruz at iba pang diumano’y nakuhanan ni Dupaya ng pera na ginanap kahapon.
“Kakasuhan daw niya ako sa Jolo, Sulu. Wala namang court du’n di ba? Saka hometown daw niya kasi ‘yun. Saka paano po siya magkakaso doon? Hindi naman po siya permanent resident. Pero sige po, pupunta ako do’n. Magkikita kami, charot!” sabi pa ni Ynez.
Pero hindi pa man siya nakakasuhan ay may counter charge na si Ynez kay Dupaya dahil sasampahan niya ito ng cyber crime at libel next week dahil daw sa mga pagmumura at panlalait sa kanya ng negosyante.
Dala-dala ni Ynez ang mga katibayan ng diumano’y paninirang puri sa kanya sa pamamagitan ng text message at mga posts ng negosyante sa social media.
“Pina-print out ko po lahat ng pagmumura niya sa akin, nandiyan po lahat ‘yun,” ani Ynez habang ipinapakita ang mga dokumento.
“Naiiyak ako kasi pati po ‘yung anak ko, dinamay din niya. Basta may anak po dito na nakalagay. Pinagmumura niya po ako, meron po siyang sinabing “hayup,” pinaglalait niya po ako. Buong pagkatao ko po, nandito. Ilan pong page ‘to. Prinint ko pong lahat.
“Actually, kung pupunta po kayo sa FB (Facebook) page niya, hindi pa niya po ito binubura. Hanggan ngayon, nandu’n pa po ito,” pahayag ni Ynez.
Dagdag pa niya ay hindi raw siya natatakot sa libel din na isasampa ni Dupaya sa kanya.
“Sige po, Miss Kathy Dupaya, hindi ako natatakot sa libel-libel na pinapanakot mo sa akin. Lalabanan din kita.”
Pinasinungalingan din ni Ynez ang sinabi umano ni Dupaya na bayad na ito sa kanya.
“Hindi ka pa bayad,” mensahe ni Ynez kay Dupaya, “may utang ka pa. Kung marunong ka sa Math, magkuwenta ka.”
In a separate interview ay sinabi ni Ynez na nasa P60,000.00 pa raw ngayon ang utang ni Dupaya. Dati raw ay more than 200,000 pero nang nagalit siya at nagreklamo mga two weeks ago ay nagbayad daw ito sa kanya kaya 60,000 na lang ang natira.
Sa nasabing presscon ay hindi nakadalo si Joel dahil kasalukuyan itong nasa Los Angeles at sa halip, ang kanyang mga abogadong sina Atty. Ferdinand Topacio at Atty. Jasmin Sy ang humarap sa press. Pero nagsalita rin naman ang Lord of Perfume at may-ari ng Afficionado via live phone patch.
Ayon kay Atty. Topacio, magsasampa rin silang libel kay Dupaya dahil naman sa ginawang paninira nito sa Afficionado.