Julio hindi na natuto, naaktuhang nagdo-droga!

Julio

Kalurky rin ang balita na caught in the act kahapon si Julio Diaz habang gumagamit ng ipinagbabawal na gamot sa isang bayan sa Bulacan.

Kalurky dahil parang kailan lang nang humingi ng tulong ang pamilya ni Julio nang sumailalim ito sa brain surgery.

Marami ang nagbigay kay Julio ng financial help kaya nakakalungkot isipin na may bisyo pa rin siya na masama.

Naranasan ni Julio ang matinding pagsubok nang magkasakit siya pero hindi pa rin natuto ang aktor na kung kailan nagkaedad, saka nagkaroon ng pangit na bisyo.

Noong 2016, sumuko si Julio sa Bulacan Police dahil nabalitaan niya na kasama siya sa listahan ng mga pinaghihinalaan na hooked sa illegal drugs. Ang akala ng lahat, natakot si Julio sa Operation Tokhang pero hindi pala dahil hindi niya inihinto ang masamang bisyo.

Kris at James matindi na naman ang away

Nasa presscon ako kahapon ng Skills 2D Max Program nina TESDA Director Guiling Mamondiong at Mother Ricky Reyes nang mabasa ko ang Instagram post ni Kris Aquino tungkol sa kanyang ex-dyowa na si James Yap.

Siyempre, naloka ako ang initial reaction ko sa mga sinabi ni Kris laban kay James na ang tanging kasalanan eh binati ng happy birthday ang kanilang anak na si Bimby with matching dialogue na matagal na silang hindi nagkikita ng bagets.

Naniniwala ako sa matandang kasabihan na hinihilom ng panahon ang mga sugat kaya malaki ang possibility na darating ang araw na magiging magkaibigan sina Kris at James dahil may anak sila na nag-uugnay sa kanila.

Hindi puwedeng si Michela Cazzola lang ang friend ni Kris. Si Michela ang girlfriend ni James na buntis sa kanilang second child at magsisilang ng baby girl sa June 2018.

Alfred laging top rated ang show

Isang thanksgiving lunch ang inihanda ni Congressman Alfred Vargas sa entertainment press na always supportive sa career niya bilang aktor at public servant.

Maligayang-maligaya si Alfred dahil consistent na top rater ang Kambal, Karibal, ang primetime show ng GMA 7 na pinagbibidahan nila ni Carmina Villarroel.

Ang tsismis, extended hanggang sa susunod na buwan ang Kambal, Karibal pero malaking kasinungalingan ito dahil ang totoo, hanggang sa June 2018 ang extension na ibinigay ng Kapuso Network management sa show nina Alfred at Carmina dahil sa mataas na rating nito.

Kumbinsido ako na may hatid si Alfred na suwerte dahil palaging mataas ang ra­ting ng mga show niya kahit noong binata pa siya. Good karma si Alfred dahil matulungin ito sa kapwa at talagang mabuting tao siya.

May isyu na kakandidato si Alfred na Vice-Mayor ng Quezon City sa 2019 elections. Walang katotohanan ang balita dahil tatapusin ni Alfred ang tatlong term niya bilang house representative ng District V ng Quezon City.

Huling term na niya sa 2019 pero confident ako na mananalo pa rin siya dahil popular na popular pa rin si Alfred sa kanyang mga constituent sa District V.

Ang mga residente ng District V ang nagpapatunay na magaling na kongresista at tapat si Alfred sa tungkulin nito.

Show comments