Kahit beauty queen na si Mariel de Leon, fan pa rin siya dahil hindi niya napigilan ang sarili na magpakuha ng litrato na kasama si Liza Soberano nang magkita sila sa ASAP noong Linggo.
Kasama ang ibang winners ng Bb. Pilipinas 2017, umapir si Mariel sa Sunday musical show ng Kapamilya Network at dito niya na-sight si Liza.
Umiral ang pagiging fan ni Mariel dahil inabangan niya si Liza sa backstage para sa photo op na kanyang pinapangarap.
Nakakatuwa si Mariel dahil starstruck siya sa ibang mga artista kahit parehong mga sikat na showbiz personality ang kanyang mga magulang na sina Sandy Andolong at Christopher de Leon.
Maganda at normal ang pagpapalaki nina Sandy at Boyet sa kanilang mga anak kaya ni minsan, hindi pumasok sa isip nila na Drama King ng Pilipinas ang ama nila. Tatay at nanay nga ang tawag sa mag-asawa ng kanilang mga anak. Ganyan kasimple ang De Leon family.
Sirene Sutton nakaraos na sa depression
Moving forward si Sirene Sutton, ang Bb. Pilipinas 2017 candidate at protégée ni Bambbi Fuentes na dumanas ng depression dahil sa performance niya sa question and answer portion.
Dalawang araw na iniyakan ni Sirene ang karanasan niya. Two days din siya na nagkulong sa kuwarto pero sa tulong at moral support ng mga nagmamahal sa kanya, back to her old self ang kaloka-like ni Nanette Medved.
Kung si Bambbi ang tatanungin, gusto niya na sumali si Sirene sa Bb. Pilipinas sa susunod na taon. Kapag nakumbinsi niya ang dalaga, sisiguraduhin ni Bambbi at ng ibang mga tumutulong kay Sirene na with a vengeance ang muling pagsali nito.
Aiai excited sa trophy
As of presstime, hindi pa natatanggap ni AiAi delas Alas ang best actress trophy niya mula sa 2017 ASEAN International Film Festival & Awards na ginanap sa Sarawak, Malaysia.
Ang direktor na si Louie Ignacio ang tumanggap ng acting award ni AiAi at siya rin ang may bitbit ng trophy na napanalunan ng Comedy Queen dahil sa madamdamin na pagganap nito sa Area.
Winner din si Louie dahil siya ang hinirang na best director para pa rin sa Area.
Kagabi ang red carpet premiere sa SM Megamall Cinema ng Our Mighty Yaya, ang pelikula ni AiAi. May mga suggestion na ibigay kay AiAi ang trophy mula sa AIFFA bago ang screening kagabi ng Our Mighty Yaya pero hindi sure kung nasa Pilipinas na ang acting award niya.
MMFF may mga bagong batas
May presscon ngayon ang Metro Manila Film Festival Executive Committee at magaganap ito sa auditorium ng MMDA building sa Makati City.
Ang mga bagong batas na ipapatupad ng MMFF ExeCom sa pagpili ng official entries sa MMFF 2017 ang pag-uusapan.
Noong nakaraang taon, finished movies ang isa sa mga requirement sa pagpili ng mga kalahok sa MMFF 2016 pero mas nakararami ang bilang ng may gusto na script muna ang i-submit ng mga movie producer na nagbabalak sumali.
Maiiwasan daw ang paglahok sa MMFF ng mga producer na gawa na ang pelikula pero hindi naipalabas sa mga sinehan dahil hindi makahanap ng playdate, kung script ang ire-require na i-submit ng mga may balak na mag-join sa MMFF 2017.