Natuwa ako nang malaman ko na ang Viva International Pictures ang magre-release sa Pilipinas ng Battleship, ang Korean movie na pinagbibidahan ng favorite actor ko na si Song Joong-ki.
Wish ko lang, imbitahan ni Boss Vic del Rosario na bumisita ng Pilipinas si Song Joong-ki para i-promote nito ang Battleship.
Kung nagawa ng Viva International Pictures na paliparin si Sandara Park sa Pilipinas para sa promo ng One Step, puwede rin na dalhin ni Boss Vic sa Pilipinas si Song Joong-ki at kapag nangyari ito, yayakapin ko talaga nang mahigpit ang Korean actor na kinababaliwan ko.
Ang Viva International Pictures ang distributor ng One Step, Battleship at ng ibang Korean sa bansa natin.
Ang Battleship ang most expensive movie ni Song Joong-ki dahil US$21 million ang budget nito. Inabot ng anim na buwan ang shooting ng Battleship mula June 2016 hanggang December 2016. Ipinapakita na sa mga sinehan sa Pilipinas ang bonggang trailer ng war movie ni Song Joong-ki.
Sandara wala nang kabali-balita kay Hero
“Buhay pa ba ‘yon ?” ang tactless pero cute na reaksyon ni Sandara Park nang mabanggit sa presscon ng Step One ang pangalan ni Hero Angeles na dating kapareha niya sa mga pelikula ng Star Cinema.
Nagpakatotoo lang si Sandara dahil matagal nang walang balita tungkol kay Hero na sikat na sikat noon pero tumamlay ang career dahil sa pakikialam ng pamilya niya.
Napanood noon si Hero sa Master Showman ni Kuya Germs pero na-Luz Valdez din ang career niya. Nawalan din naman ng ningning ang career ni Sandara pero nakabawi ito nang subukan niya ang kapalaran sa South Korea.
Maraming lumalait kay Sen. Sotto, sawsaw na lang ang ginagawa
Nabasa ko ang mga komento ng mga artista na hindi naman daw nakakatawa na comedian si Senator Tito Sotto.
Bago nila husgahan ang talent ni Tito Sen sa pagpapatawa, pantayan muna ng mga bumabatikos na artista ang track record niya sa showbiz.
Dekada ‘70 nang magsimula ang showbiz career ni Tito Sen pero hanggang ngayon, active pa rin siya at isa nang matagumpay na public servant.
Hindi pa ipinapanganak ang mga artista na lumalait kay Tito Sen, nasa showbiz na siya at pinatibay ng panahon at mga pagsubok na pinagdaanan niya.
Nagkamali naman talaga si Tito Sen sa kanyang “Na-ano lang” joke kay DSWD Secretary Judy Taguiwalo pero ang importante, nag-apologize na siya at tinanggap ito ni Mama Judy.
Kung maka-react ang ibang artista, parang sila ang biniro ni Tito Sen samantalang nakisawsaw lang naman sila sa isyu. Tinalbugan pa nila si Mama Judy na cool na cool lang.
Mother may pa-birthday
Thanks in advance kay Mother Lily Monteverde dahil sa lunch treat niya para sa amin ni Papa Ricky Lo.
Noong April 21 ang birthday ni Papa Ricky at sa May 20 pa ang kaarawan ko kaya nag-decide si Mother na bigyan kami ng joint birthday lunch.
Ang Regal Entertainment, Inc. ni Mother Lily ang producer ng Our Mighty Yaya. Palaging blockbuster ang mga Mother’s Day presentation ni Mother kaya feel ko na ganito rin ang mangyayari sa pelikula ni AiAi delas Alas na mapapanood sa cinemas nationwide sa May 10.