Final episode na ng action-drama series ni Kapuso Primetime King Dingdong Dantes, ang Alyas Robin Hood, sa February 24, pero sa February 18 ay magsisimula nang mapanood ang bago niyang docu-drama series na Case Solved every Saturday, pagkatapos ng Eat Bulaga.
Marami siyang ginawang pagtulong sa mga tao, lalo na iyong mga biktima ng karahasan at pang-aapi, sa story ng Alyas Robin Hood, ganoon din ba ang gagawin niya sa Case Solved? “Masasabi kong may similarities,” sagot ni Dingdong. “Siguro ang pagkakaiba, iyong sa Alyas Robin Hood, fiction ang mga eksena, pero dito sa Case Solved nangyari ang lahat sa tunay na buhay.”
Natanong na tuloy si Dingdong kung paghahanda na ba ang mga shows niya sa mas seryosong phase ng buhay niya, tulad noong papasukin na ba niya ang pulitika. Handa na ba siyang tumakbo sa susunod na eleksyon, sa 2019?
Matatandaang noong nakaraang eleksyon, may mga natanggap na siyang offers na tumakbo pero sabi niya ay hindi pa raw siya handa. “Ang tingin ko, ang entertainment business in a way is closely related to public service. Siguro ngayong nagma-mature na rin ako, ang mga possible opportunities, mas nagiging seryoso na rin ako. Sa pagbabasa ko rin ng mga script para dito sa Case Solved marami akong nalaman, marami akong natutunan na isang malaking hakbang ‘yan sa pagpasok ko sa mas seryoso, mas hardcore na line ng public service na siyang nature ng aming show.”
Para kay Dingdong, nang tanggapin niya ang bagong project, ibig sabihin ay mas open na siya na gumawa ng mga ganoong bagay dahil iba na rin ang mga circumstances na nakikita niya.
Hindi pa sinagot ni Dingdong ang tanong sa kanya ng mga entertainment press kung may nag-offer na sa kanya ng anumang posisyon para sa 2019 elections.
“Para sa akin ang pagiging actor ko at pagiging host ng ganitong klase ng show ay bahagi na ng gagawin ko sa hinaharap. Kung saan man mapupunta ito later on, hindi ko pa rin alam. Basta ako, nandito ang dedication ko in the line of service.”
Anak ni Ogie join na sa concert nila ni AiAi
Parehong artista ang parents ni Leila Alcasid na sina Ogie Alcasid at Michelle van Eimereen. Kaya naman hindi kataka-taka kung pasukin na rin ni Leila na narito ngayon sa Pilipinas at nagbabakasyon. Unang nakatikim ng TV guesting si Leila nang isama siya ng step-mom na si Regine Velasquez-Alcasid sa cooking show nitong Sarap Diva. Wala pang sagot noon si Leila kung papasukin din niya ang showbiz. At biro pa ni Regine, “undecided pa siya, kaya nag-aalaga muna siya sa little brother niya, si Nate.”
Pero hindi na ngayon dahil pumayag si Leila na maging isa sa guest artists sa Valentine concert nina Ogie, at ni Ms. AiAi delas Alas, ang #HugotPlaylist na produced ni Pops Fernandez sa Kia Theater sa February 14.