Sinasabi ni Sunshine Cruz na happy naman siya dahil ang lahat ng kanyang tatlong anak ay kasundo ng boyfriend na si Macky Mathay.
In fact, nagsimula ang kanilang bonding nang husto nitong nakaraang Christmas season kung saan sinasabi ngang todo-bonding si Macky sa pamilya ni Sunshine. Inamin na nga nila na may relasyon na ang dalawa. Siguro naman mahirap na ngang maitago iyon.
Hindi namin alam kung annulled na rin ba ang kasal ni Macky sa kanyang asawang si Camille, pero inalis na noon ang pangalang Mathay sa kanyang ginagamit na legal name. Mukhang para sa kanya ay tapos na rin talaga ang kanilang relasyon. Ibig sabihin kung talagang nagkakasundo na nga sila, at kung matatapos na nga ang lahat ng impediments ngayon sa kanilang kasal, maaari silang pakasal na rin.
Pero iyon ang isa pang bagay na mahalaga. Makakasundo nga bang talaga ng mga anak ni Sunshine si Macky? Si Macky ba naman ay handang tanggapin ang mga anak ni Sunshine bilang mga anak na rin niya? Iyang mga ganyang relasyon ay kailangang ma-develop muna nang husto bago ang ano pa man. Iba iyong natatanggap ng mga bata si Macky bilang manliligaw ng kanilang ina. Iba rin naman iyong kikilalanin siya ng mga iyon bilang pangalawang ama.
Doon ba naman sa mga anak ni Macky sa una ay tanggap si Sunshine? Kung ok na ang lahat palagay namin maayos na nga ang kanilang relasyon.
Dolphy museum inaayos sa Batangas
Matagal na naming narinig iyang plano nilang Dolphy Museum, na ang unang plano ay ilalagay nga sa isang property din ng komedyante sa Tanay. Ngayon pala ay sa Batangas na nila planong ilagay iyon.
Siguro nga dahil ang plano naman nila ay isang resort din iyon, ok iyong sa Batangas, pero kung ang talagang gusto nila ay mapanatili sa alaala ng kanyang fans si Mang Dolphy, dapat siguro ang kanyang museum ay mailagay sa isang location na mas madaling puntahan ng mga tagahanga.
Siguro nga ang dapat nilang isipin ay isang mini theater ang ilagay nila kasama sa museum, kung saan maaaring mapanood ng mga tao ang mga pelikulang nagawa ni Mang Dolphy.
Indie stars gutom sa raket
Nakadama kami ng awa sa dalawang indie stars na umamin sa isang television interview na wala silang kinikita sa dapat ay “propesyon” nila bilang mga artista. Kailangan daw nilang humanap ng trabaho para mabuhay at ang pagiging artista, ginagawa lang nila dahil gusto nila.
Kung ganyan ang sitwasyon, masasabi mong mga “amateur actors” lamang ang labas nila. Indie lang kasi ang ginagawa nila, eh iyang mga ganyang klase ng pelikula, tinitipid talaga pati talent fee ng mga artista nila.