Pagpapalibing kay Marcos naging showbiz!

Ang issue ngayon maging sa showbusiness ay ang desisyon ng Korte Suprema na payagan ang dating Pangulong Ferdinand Marcos na ilibing sa Libingan ng mga Bayani. Ano man ang opinion natin tungkol sa mga bagay na iyan ay mapag-uusapan pero wala na ring saysay. Sabi nga noon ng isang inirerespetong guro ng batas at mahistrado, si Justice Ricardo Puno, “Kung magkamali man ang Korte Suprema, ang pagkakamaling iyon ay nagiging isang batas”. Ano mang gawin nating kiyaw-kiyaw, wala na.

Sa showbusiness, makikita mo na ang maingay ay iyong mga artist na kilalang supporters ng tinatawag na “kulturang dilaw”. Iyong iba, tahimik lang at hindi na kumikibo kasi pabor sila, at ang pakiramdam nila, bakit pa sila magsasalita eh may desisyon na.

Hindi mo masisisi ang mga taga-showbusiness sa ganyang attitude.

Panahon ni Marcos nang pagtibayin ang isang batas na nagtatakda ng Metro Manila Film Festival, at noon hindi nakikihati ang sino man sa gobyerno sa kita ng festival. Walang “cash gifts” na hinihingi ang mga nasa gobyerno. Lahat ng kita ng festival ay ibinabalik sa Mowelfund.

Panahon din ni Marcos nang magkaroon ng Metropolitan Manila Pop Music Festival, kung saan mas natulungan ang industriya ng musika sa ating bansa. Noong panahong iyon ay nagkaroon din ng tuntunin na ang lahat ng mga istasyon ng radio ay kailangang magpatugtog ng original Pilipino music kahit na minsan tuwing kalahating oras. Noong panahon ding iyon naging masigasig ang gobyerno sa pagpapadala ng mga Pinoy artists sa mga music festival sa iba’t ibang bahagi ng mundo.

Noong panahong iyon itinayo ang Cultural Center of the Philippines, ang Folk Arts Theater, ang Manila Film Center, at nai-restore ang historikong Metropolitan Theater na ngayon ay hinayaan nilang mabulok na muli. Maliwanag na noong panahon ni Marcos, talagang natulungan ang sining sa kabuuan at ang showbiz in particular.

Iyan ang dahilan kung bakit ang mayorya sa showbiz ay hindi nakikisali sa mga protesta, maliban doon sa mga artist na jobless na at walang pinagkakaabalahan.

Sharon-Gabby movie ilusyon na lang?!

Hindi raw si Gabby Concepcion ang unang choice para maging leading man ni Sharon Cuneta sa kanyang gagawing pelikula. May natanggap agad kaming mga e-mail na nagsasabing sana raw mai-point out namin na majority pa rin ng fans ay gusto ng Sharon-Gabby na pelikula.

Pero matagal na naming sinabi iyan, hindi maaaring i-consider si Gabby Concepcion dahil siya ay nasa GMA-7. Kung naniniwala sila na ang pagtatambal ng dalawa ay magpapataas na muli sa popularidad ng love team, bakit nga ba gagawa pa sila ng paraan para pasikatin si Gabby eh nasa kalaban na iyon?

Isa pa, baka mag-demand si Gabby ng malaking bayad for a Sharon-Gabby reunion. I also doubt kung si Richard Gomez ang kukunin nila, dahil masyadong busy ngayon si Richard sa pagiging mayor ng Ormoc. Baka naman si Robin Padilla, dahil wala pa naman iyong projects at mukhang hindi naman makakuha ng visa papuntang US.

Marami rin silang mga in-house talent na obligado rin naman silang bigyan ng trabaho dahil may mga kontrata sa kanila. Hindi masamang ideya kung itatambal si Sharon kay Richard Yap. Marami namang mga artista ang ABS-CBN na maaari nilang sabihing on top of the survey, kung sino man ang lumabas sa mga survey nila.

It’s their call. Sila ang producers eh, at willing sila to gamble again on Sharon.

Show comments