Kanegahan, sobra-sobra na Imelda Schweighart lalayas muna ng ‘Pinas para makalimot!

Imelda

Hindi talaga isang magandang bagay ang nangyari sa nag-resign na Miss Philippines Earth na si Imelda Schweighart, na nakita sa isang video na nilalait ang nanalong si Miss Ecuador Katherine Espin sa Miss Earth 2016, na sinabihan niyang, “Fake ang ilong. Fake ang baba. Fake ang boobs”. Pero inamin naman ni Imelda na nasabi niya iyon sa kanyang mga supporter sa isang “private conversation” at hindi niya inaasahan na may kukuha ng video at ilalabas sa social media.

Hindi na bago iyang si Imelda. Siguro hindi nga lang masyadong napapansin, pero naging co-host iyan ni Willie Revillame noong araw, at nakasama sa seryeng Bagets Just Got Lucky na kapwa inilabas sa TV5. Kilala siya noon sa kanyang screen name na Imee Hart.

Bakit nga ba dapat mangyari ang ganyang kahihiyan na naging dahilan din para siya mag-resign bilang Miss Philippines Earth, at sinasabi ngang magtutungo muna sa abroad para maiwasan ang mas malawak pang controversy?

Nangyari iyan dahil sa kawalan ng tamang protocol. Sa panahong ito kasi, na uso iyang blogs, kahit na sinong may hawak na cell phone ay kukuha na lang ng video, at ilalabas iyon sa kanilang blogs o sa social media na ang paniniwala ay nakuha nila ang video at balita iyon. Nangyayari ang mga bagay na iyan nang hindi pinag-iisipan kung ano ang magiging epekto, kasi ang mentalidad ng mga bloggers, dapat sila ang mauna. Sa ganoong paraan kasi sila maaaring makakuha ng maraming “likes” na magiging dahilan para pumasok ang sponsors sa kanilang blogs at para kumita sila.

Sa lehitimong media, kagaya ng mga diyaryo at maging ng telebisyon, hindi basta-basta ginagamit ang mga ganyang istorya. Iniisip muna kasi kung ano ang magiging epekto niyan. Kagaya niya, palagay ba ninyo si Imelda lamang ang napahiya? Nakakahiya rin tayong lahat dahil kababayan natin iyang si Imelda, at ginawa ang pageant dito pa naman sa Pilipinas, at ang nagkalat ng video, sino man iyon ay isang Pilipino rin. Nakakahiya ang nangya­ring iyan.

Hindi mangyayari iyan kung ang nandiyan ay ang lehitimong media na sumusunod sa tamang protocol.

Halimbawa maski na sa mga entertainment press conferences. Naroroon ang mga blogger, nakatutok ang cell phones at inilalabas nang live ang sinasabi ng mga artista. Ano ang proteksiyon ng mga artista kung sila ay magkamali? Lalabas ang lahat ng kanilang pagkakamali sa publiko. Iyan ang hindi nila naiisip, lahat ngayon ay parang nasa isang malaking aquarium na pinanonood ng lahat, wala ng privacy kahit na sino dahil sa ginagawa sa mga blog at social media.

Iyang mga artista na gumagawa ng sarili nilang blogs at social media account, sa pag-aakalang iyon ang paraan para magkaroon sila ng publisidad at masabi kung ano ang gusto nila, ano ang proteksiyon nila kung sila ay magkamali? Ilan na sa kanila ang nagsisi dahil biktima sila ng “bashers”. Ilan na ang nagsisi dahil pinagtawanan sila dahil sa mali nilang grammar.

Ilan sa mga singers ang galit na galit, dahil lumabas sa social media ang katotohanan na hindi nagkaroon ng tao sa kanilang mga concert, at ipinakikita pa ang mga bakanteng upuan. Pero ano ang magagawa nila, maraming mga bloggers na inimbita nila sa kanilang mga concert.

Hindi sa sinisiraan namin ang social media, ang sinasabi lang namin, ano man ang sabihin ninyo, mas responsible ang tinatawag nilang “controlled press” kaysa diyan sa napakalayang “social media”.

Show comments