Kung iisipin, hindi na bago iyang naglalabasang balita na libre nang mag-asawa si AiAi delas Alas kung gugustuhin niya. Matagal na silang nag-divorce ng kanyang naging asawang si Jed Salang. Halos isang buwan lang din naman silang nagsama, at pagkatapos noon ay marami nang dumating na problema. Nagkakaroon na raw ng bugbugan, mayroon pang sinasabi si AiAi na sinakal pa siya.
At iyon ay sa kabila ng sinasabi niyang ibinibigay niyang sustento sa dating asawa na napakalaking halaga.
In short, nagtagumpay naman si AiAi na kumbinsihin iyong lalaki, for whatever means, na diborsiyohin siya sa US. Doon naman sila nagpakasal dahil isang US citizen naman ang lalaki. Maging sa ating mga batas, sinasabing kinikilala ang diborsiyo kung iyon ay sa pagitan ng isang Pilipino at isang foreign citizen na kung saan kinikilala ang divorce. Kano nga iyong pinakasalang iyon ni AiAi, kaya ok lang ang kanilang divorce. Iyong pinalabas naman ng RTC ng Quezon City ay isang kumpirmasyon lamang na libre na ngang magpakasal si AiAi. Gamit ang dokumentong iyon, makakakuha na si AiAi ng CENOMAR, o iyong Certificate of No Marriage.
Pero bagama’t nasabi niya dati na napag-uusapan na nila ng kanyang boyfriend ngayon na si Gerald Sibayan ang pagpapakasal, ngayon sinasabi ng komedyante na matagal pa iyon at pinag-aaralan pa nila.
Talagang kailangang pag-aralan iyan dahil pareho silang Pinoy. Walang divorce rito sa ating bansa. Isang katotohanan din na medyo malayo ang agwat ng kanilang edad. Maski na tanungin ninyo ang mga marriage expert, sasabihin nila na mas malaki ang chances ng kasal ng mas matandang lalaki sa batang babae, kagaya nina Vic Sotto at Pauleen Luna, kaysa sa mas matandang babae at batang lalaki.
Marami na rin namang naging karanasan sa buhay si AiAi. Dapat talaga, this time ay matuto na siya. Mabait na tao naman iyan and she deserves to be happy. Sana sa susunod na kasal ni AiAi, matuklasan na niyang may forever nga.
Matutina sa John en Marsha nasa ICU, nangangailangan ng tulong!
Natatandaan pa ba ninyo ang kumedyanteng si Matutina?
Matagal nang radio talent iyan at Evelyn Bontogon ang kanyang tunay na pangalan. Isa siya sa mga gumaganap sa mga radio drama.
Sila rin ang madalas na nagda-dub ng mga teleserye na galing sa ibang bansa at maging ng mga pelikula kung hindi puwede o pangit ang boses ng isang artista. Magaling na radio talent iyang si Evelyn, pero mas nakilala siya nang gampanan niya ang character na Matutina doon sa John en Marsha. Dumating nga ang panahon na maski sa billing niya, Matutina na ang nakalagay.
Kumokonti na ang mga drama sa radio. Ngayon yata ay dzRH na lang ang may nabubuhay pang mga drama. Magastos kasi ang drama. Iyong iba ay naging news stations na lang.
After all sinasabi nila na ang drama ngayon ay pinanonood na sa TV, hindi na iyong pinakikinggan lang sa radio.
Kaya naiintindihan namin kung bakit nawawalan ng pinagkakakitaan ang mga voice talents.
Kaso, may sakit pala ngayon si Matutina. Nasa ICU siya ng isang ospital na hindi naman nabanggit ng nanghihingi ng tulong at panalangin para sa kanya, ang aktres ding si Nadia Montenegro.
Mukhang naging advocacy na rin ni Nadia na tumulong sa mga kapwa niya artistang nangangailangan. Hindi na rin kasi iyan magawa ng Mowelfund dahil sa kakulangan ng pondo.
Iyon naman palang kinikita ng film festival nauuwi lang sa “cash gifts” at “cultural programs” na kung ano. Hindi na matulungan ang mga manggagawa ng industriya na may sakit at wala naman masyadong kinikita.
Nakatakda raw operahan si Matutina. Sana may mga iba pa silang kasamahan na tumulong.