Ginawa kay Vhong hindi raw nakakagulat Vina ibinunyag ang masamang karanasan at takot sa koneksyon sa ex!

Kasama ang legal counsel na si Anna Maribel Santiago, nagtungo si Vina Morales kahapon sa San Juan Prosecutor’s Office para maghain ng motion to counter Cedric Lee’s visitation para sa kanilang anak na si Ceanna Magdayao.

Ito ay bunsod ng reklamo ng aktres na kinuha ng dating karelasyon ang kanilang anak and detained her for nine days nang wala siyang pahintulot.

Ayon kay Vina sa mga taga-media na nakapanayam siya kahapon, kung noon daw ay tumahimik siya, this time ay lalaban na siya alang-alang sa kanyang anak.

“This time, hindi na pupuwede ‘yun, I have to fight for the sake of my daughter. Kung before, sinasabi ko, for the sake of my daughter I don’t want to speak up, ayokong makialam, ayokong magsalita kasi tatay pa rin siya ng anak ko.

“Pero ngayon, may ipinaglalaban ako. Ipinaglalaban ko ‘yung anak ko. So, hindi na ako takot ngayon. Sa rami ba naman ng sumusuporta sa akin at nagdadasal sa akin, I will not be scared anymore, tapos na ‘yun,” simula ni Vina.

Ikinuwento ni Vina na nag-file si Cedric ng custody case para sa anak nila noong 2013.

“And that time, ginawan nila ng false story ‘yung yaya ko. Actually, ipinakulong niya ‘yung yaya ko for 3 days na walang kalaban-laban. Tahimik kami nu’n. Pinaglalaban namin ‘yun off-camera. And then, sabi niya, ipapakulong niya si yaya, nag-file siya ng custody. Mautak nga, eh. Magaling, napakagaling.

“And then, sabi niya idi-dismiss niya raw ‘yung kaso ni yaya kung may mga visitation right.

“In the first place, unang-una, I am not married to him, I only have a kid with him. Secondly, I don’t ask for financial support, so zero,” patuloy ni Vina.

So, pumayag daw siya sa visitation rights at okay na rin naman daw sa kanya dahil tatay ito ng kanyang anak.

“Kaya lang, this time, hindi ko alam kung ano ang nag-trigger sa isip niya na dinitain niya ang anak ko for 9 days while I was away for a vacation. And siyempre, worried ako, ano ba ang nangyayari kasi hindi ko makausap ang anak ko,” pahayag ni Vina.

Ayon naman sa pahayag ni Cedric ay pinayagan siya ng court na 10 days with Ceanna at ayon kay Vina ay wala naman daw itong katotohanan.

“Unang-una, sino po ba ang nagsisinungaling sa amin? Siguro kung ganu’n po, kung totoo ang sinasabi niya na may ibinigay na 10 days sa kanya ang korte, ang lalabas niyan, ang korte at ako ang nagsisinungaling. So, ngayon, hintayin na lang natin si judge kung ano ang masasabi niya na binigyan niya ng 10 days si Cedric,” pahayag ni Vina.

Bago siya nag-file ay nagkausap ba sila ni Cedric?

“I don’t talk to him na po, it’s been years kasi unang-una, nagka-trauma rin ako, sa edad kong ito nagka-trauma rin ako sa ilang years na pangbu-bully niya sa akin. After 2013, I don’t speak to him, it’s always through his lawyer,” she said.

Hindi rin mapigilang maging emosyonal ni Vina sa pagre-recall kung ano ang mga naranasan niya sa piling ni Cedric.

“Alam mo ‘yung tao na ayaw mo ng away? Matapang ako pero ayoko ng away, ayoko ng gulo, umiiwas ako diyan. Pero alam mo ‘yung taong kinukutusan ka araw-araw, binu-bully ka, matututo kang lumaban at baka mas matapang pa sa ‘yo pag lumaban.”

Sa huling interbyu kay Cedric ay itinanggi nito ang akusasyong binu-bully nito si Vina. Ano ang reaksyon ng aktres tungkol dito?

“Hayaan na lang natin siya sa mga sinasabi niya, baka siya lang ang naniniwala sa sarili niya.”

Napakarami raw pangbu-bully na ginawa sa kanya at sobrang takot na takot daw siya dahil alam nga niyang malalaki ang koneksyon nito.

“That time, wala pang Vhong (Navarro) na nangyari, eh, so hindi pa alam ng tao kung anon’g klase ang ugali niya, takot na takot ako sa mga koneksyon niya,” sey pa ni Vina.

Kaya hindi na raw siya nagulat pa nang mabalitaan niya ang nangyari kay Vhong. Sa ngayon, ang gusto na lang daw niyang mangyari at ang dinasal-dasal niya ay ma-grant ang motion niya. “Kasi ayokong lumaki ang anak ko sa ganun’g environment. Basta ako, I’m praying for the best at maraming nagdadasal sa akin,” pahayag ni Vina.

Matatandaang sa naunang pahayag ni Vina, nabawi nila si Ceanna noong May 23 sa korte. Samantala, bukas po ang pahina ng pahayagang ito para sa panig ni Cedric.

Show comments