Matapos ipagmalaki ang mga alaala niya sa mga Marcos, Lea durog sa social media
Nagsimula lang naman si Lea Salonga sa pagsasabi ng isang simpleng comment. Nasabi niyang naalala lang niya ang panahon na madalas siyang kumanta sa mga official functions sa Malacañang noong bata pa siya, at iyong mga magagandang nagawa noong panahon ni Pangulong Ferdinand Marcos para sa mga artist na kagaya niya.
Dahil sa kanyang posts na iyon, nagsimula na siyang i-bash ng mga kasali sa “haters republic”, iyon bang mga nagpo-post sa internet ng puro galit at himutok kahit na ang ikinagagalit nila ay narinig lang naman nila sa mga political propaganda.
Sinagot ni Lea ang lahat ng mga iyon. Sinabi nga niyang ang sinasabi lang naman niya ay ang mabuting nangyari sa kanya at sa pamilya niya. Hindi naman niya sinasabing walang nangyaring mali noong panahon ng martial law.
Iyon din naman ang sinasabi namin sa maraming militante na nasa showbusiness. Hindi ba noong panahong iyon lang naman nasimulan ang pagtulong sa sining? Noon lang tayo nagkaroon ng Cultural Center. Noon lang tayo nagkaroon ng isang film festival na ang layunin ay isulong ang pelikulang Pilipino. Noon lang din tayo nagkaroon ng isang international film festival na dinayo ng malalaking international artists at producers at distributors din ng pelikula, na ang layunin ay ipakilala ang mga pelikula at artistang Pilipino sa abroad.
Noon lang din nagkaroon ng pagkakataon ang Filipino music industry dahil lahat ng istasyon ng radio ay nagpapatugtog ng orihinal na musikang Pilipino tuwing kalahating oras. Ang nakagisnan natin na puro foreign artist ang naririnig natin sa radio. Noong araw, natatandaan pa nga namin, iyang dzBB ng GMA 7, mula sign on hanggang sign off walang pinatutugtog kundi kanta ni Frank Sinatra.
Noon lang din napansin ang panitikang Pilipino, at maging ang ating mga pintor. Huwag ninyong kalilimutan na ang dating Pangulong Ferdinand Marcos ang nagsimula niyang “national artist award” na iyan.
Kaya ano man ang sabihin ninyo, tama si Lea Salonga.
Direk Carlo at asawang si Donna malabong makulong
Hindi malaking issue iyong arrest order laban sa director na si Carlo Caparas. May iniharap na kaso laban sa kanya, dahil sa diumano ay hindi niya pagbabayad ng tax. Sa tingin ng korte ay may ebidensiya namang naiharap. Normal lang na ang korte ay magpalabas ng warrant of arrest.
May piyansa naman iyan. Ang itinakda ng korte ay dalawampung libo sa bawat isang warrant. Ibig sabihin ang kailangan lamang niyang piyansa ay 40 libong piso. Kaya naman siguro niyang magpiyansa at hindi niya kailangang makulong habang nililitis ang kaso.
Hindi po intensiyon ng BIR kahit na kailan na ipakulong ang mga sinasabi nilang lumabag sa tax laws. Ang hinahabol lamang ng BIR ay makasingil sila ng tamang buwis. Pag-uusapan lang sa kaso kung tama ba ang kanilang kuwenta na hindi nabayaran, natural lang naman na sasabihin ng idinemanda kung bakit mali ang kuwenta ng BIR. Ang karaniwang kinalalabasan niyan ay sinisingil ng BIR ang tax, at kung hindi man mabayaran nang bigla, maaari namang unti-unti.
Iyang tax case, kasong criminal din iyan pero hindi naman ganoon katindi. Wala naman siyang sinaktang kapwa tao, nagkataon lang na nagkaroon siya ng tax deficiency. Hindi naman niya itinatanggi iyon.
- Latest