Ginanap kahapon sa Annabel’s restaurant ang Thanksgiving party ng My Bebe Love.
Natagalan ang thanksgiving party dahil nagkaroon ng conflict sa schedule ng mga artista.
Nagbakasyon si AiAi delas Alas sa Amerika, rumaket si Alden Richards sa Middle East at nag-holiday si Maine Mendoza sa Japan.
Walang imbitado na print media sa thanksgiving party dahil exclusive ito sa cast at production staff.
Tinuruan ni Master Showman, Isko natutong mag-ipon!
Maganda ang feedback sa eulogy ni Vice-Mayor Isko Moreno ng Maynila tungkol kay Kuya Germs na malaki ang naitulong kaya natupad ang pangarap niya na maging artista at public servant.
Live na napanood noong Wednesday night sa GMA News TV ang bahagi ng necrological service para kay Kuya Germs at may live streaming din ito sa Internet.
Natawa at naantig ang damdamin ng mga nakapanood sa tribute ni Papa Isko sa kanyang tatay-tatayan.
Ang sey ni Papa Isko, natuto siya na mag-impok ng pera sa bangko at gumamit ng libreta dahil kay Kuya Germs dahil ito ang nagdala sa kanya sa Traders Royal Bank sa Broadcast City para magbukas ng bank account.
Noong nag-uumpisa pa lamang si Papa Isko sa showbiz, ipinamulat agad sa kanya ni Kuya Germs ang mga nangyayari sa mga artista na hindi natuto na mag-ipon ng pera noong kasikatan nila.
Si Kuya Germs din ang nagsabi kay Papa Isko na pinakamasarap na trabaho ang pag-aartista dahil binabayaran sila para maghintay.
Hindi na active sa showbiz si Papa Isko pero naging successful ito sa pulitika at mula sa pagiging bise-alkalde, susubukan niya ang kapalaran sa senado sa May 2016.
Utang na loob ni Papa Isko kay Kuya Germs ang mga magagandang pangyayari ngayon sa kanyang buhay kaya hinding-hindi na niya makakalimutan ang sumakabilang-buhay na Master Showman.
Lani todo tribute!
Ang mababasa ninyo ang second part ng tribute ni Bacoor House Representative Lani Mercado kay Kuya Germs.
Normal sa mag-asawa ang pagkakaroon ng mga hindi pagkakaunawaan at sa tuwing may mga pagsubok sa buhay nina Lani at Senator Bong Revilla, Jr., bukod sa akin, si Kuya Germs ang nagpapayo sa kanila.
“Isa si Kuya Germs sa mga taong kapag nagsalita ay tahimik na nakikinig si Bong. Noong may pinagdaanan kaming mga relationship problems, pinahalagahan niya ang mga payo ni Kuya Germs, lalo na noong time na nagkasama sila sa Idol Ko si Kap sa GMA Network.
“Kami ni Bong, alam din namin na si Kuya Germs ay hindi lang isa sa aming strongest supporters, siya rin ay isa sa aming strongest defenders.
“Maliit lang naman ang showbiz. Sa mga sandaling ang marami sa mga inakalang kaibigan ay nagsipaglaho, kasama si Kuya Germs sa nanatiling andun pa rin. At nakakarating sa amin kung paano niya kami ipinagtatanggol.
“Isa rin si Kuya Germs sa strongest supporters ko when I ran for public office. Um-attend pa nga siya sa aking miting de avance noong 2001. At supporter din si Kuya Germs ng lahat ng mga movies ni Bong. Tinitiyak lagi ni Kuya Germs na makapag-promote si Bong ng mga pelikula niya sa kanyang mga shows – mapa-GMA Supershow, mapa-Walang Tulugan.
“Kuya Germs, isa ka sa may pinakamahabang karera sa showbiz. Nagsimula ka sa bodabil, silent movies at black-and-white TV. Hanggang panahon ng internet, live streaming at interactive media ay inabot mo.
“Magpahinga ka na, Kuya Germs. It is a very well-deserved rest. Ipagpatuloy mo sa langit ang most favorite project mong Walk of Fame. At sa mga totoong bituin mo iguhit ang aming mga pangalan, ha? Alam naming una nang iginuhit ng Panginoon sa pinakamalaki at pinakamaningning na bituin ang pangalang German Moreno. Paalam, Kuya Germs. Baunin mo ang aming pagmamahal…” ang pagbibigay-pugay ni Lani kay Kuya Germs.