Ngayong umaga, pagkatapos ng 9:00 a.m. Holy Mass sa Studio 7 ng GMA Network Annex, dadalhin na sa kanyang huling hantungan si German Moreno sa Loyola Memorial Park sa Marikina City, sa tabi ng puntod ng kanyang ina.
Bago ito, bumuhos pa rin ang pakikiramay sa mga naiwanan ni Kuya Germs sa huling gabi niya sa Mt. Carmel Shrine in New Manila. After ng Holy Mass ni Bishop Soc Villegas, nagkaroon ng pagtanaw-alaala ang mga kasama niyang artista noon sa Sampaguita Studio. Masaya ang pag-alala nila kay Kuya Germs, mula kay former Senator Ramon Revilla, Sr., Romeo Vasquez, Eddie Gutierrez at marami pang iba.
Magkasunod na dumating sina Pops Fernandez at Maine Mendoza at pinagtabi sila dahil magkamukha nga raw ang dalawa. Ayon kay Maine, hindi siya nagkaroon ng chance na makilalang mabuti si Kuya Germs, pero labis ang pasasalamat niya na kahit bago pa lamang siya, binigyan na siya nito ng Star sa Walk of Fame, kasama si Alden Richards at ang mga lola sa kalyeserye ng Eat Bulaga, na sina Jose Manalo, Wally Bayola, at Paolo Ballesteros.
Paalam, Kuya Germs, tanggapin mo ang yakap ng iyong Tagalikha!
Jean marami ang naranasang hirap sa anak na kambal
Medyo emosyonal si Jean Garcia sa pagtatapos ng long running-top rating afternoon prime ng GMA 7 na The Half Sisters bukas, January 15. Nagsimula itong umere noong June 2014.
“Marami kaming pinagdaanan sa pagpapalit-palit ng mga eksena, masaya, malungkot, awayan, pagtatraydor, na hanggang ngayong matatapos na lamang ay may pasabog pa kami,” natatawang kuwento ni Jean.
Sa kanyang character bilang si Rina, masaya siyang nagbuntis sa dalawang anak na babae, sina Diana (Barbie Forteza) at Ashley (Thea Tolentino), pero napalitan ng sakit at lungkot nang malaman ng asawa niyang si Alfred (Ryan Eigenmann) na magkaiba ang ama ng kambal, dahil si Diana ay anak ko kay Benjie (Jomari Yllana).
“Pero nakita ko ang pag-develop sa husay ng pagganap ng mga tweens namin sa story. Si Diana na mabait pero palaban, si Ashley, minana ang masamang ugali ng ama niya, pero later on bumait at mas mahusay niyang nagampanan ang change ng character niya. Ganoon din si Andre (Paras) as Bradley, si Ruru Madrid na pumasok sa later part ng story. Pumasok din si Gardo Versoza na ngayon ay malalaman na kung sino talaga siya. Tulad ng sabi ko, marami pang pasabog hanggang sa pagtatapos namin. Kaya nagpapasalamat kaming lahat sa mga tumangkilik ng aming serye.”
Napapanood ang The Half Sisters pagkatapos ng Eat Bulaga sa GMA 7.